Calendar
DOTR, DepEd magbibigay ng 50% diskwento sa pamasahe sa MRT,LRT para sa mga estudyante hanggang 2028
INANUNSYO ng Department of Education (DepEd) at Department of Transportation (DOTr) ang pambansang pagpapatupad ng kautusan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na nagbibigay ng 50 porsyentong diskwento sa pamasahe para sa mga estudyante. Ayon sa kanila, tatakbo ang programa hanggang 2028 upang mapagaan ang gastusin sa paglalakbay na may kaugnayan sa edukasyon.
“Patuloy din ang pagpapaganda natin sa serbisyo ng MRT at saka LRT. Ang dating dalawampung porsyentong diskuwento sa LRT at MRT para sa PWD, senior, at estudyante, ay itinaas na natin sa limampung porsyento na diskuwento,” ani Pangulong Marcos sa kanyang 2025 SONA.
Ang inisyatibong ito, na nagsimula noong Hunyo ngayong taon, ay sumasaklaw sa mga mag-aaral mula basic hanggang higher education — mula kindergarten hanggang graduate school — kabilang ang Alternative Learning System (ALS) at Special Education (SPED) students. Ang diskwento ay maaari nang magamit tuwing sasakay ang estudyante sa tren, nang walang daily o monthly cap.
Ani Education Secretary Sonny Angara, ang hakbang na ito na magpapatuloy hanggang 2028 ay direktang tulong para sa mas madaling access at pagkakapantay-pantay sa edukasyon.
“Kapag nakakatipid ng pamasahe ang isang pamilya, mas maraming oportunidad para magamit ito para sa mga aklat at educational tool na kailangan nila. Malaking ginhawa ito para sa ating mga estudyante,” pahayag ni Angara.
“Gagawin ng DepEd ang bahagi nito upang matiyak na alam ng mga paaralan at magulang ang benepisyong ito. Nais namin na maramdaman ng bawat mag-aaral, mula Metro Manila hanggang sa mga pinakamalayong rehiyon, ang suporta ng gobyerno,” dagdag pa niya.
Para naman sa DOTr, sinabi nila na lahat ng linya ng tren sa Metro Manila ay isinasabuhay na ang 50 porsyentong diskwento. Sa labas ng kapital, isinasagawa ang mga pilot program na Libreng Sakay sa Cebu at Davao, kung saan ginagamit ang mga modernong jeepney at bus sa piling mga ruta. May mga karagdagang ruta pang ilulunsad sa parehong lungsod.
“Hindi lang yung discount ang importante. Ang sabi ng Pangulo, kailangan yung experience nila hindi sila pinapahirapan. Kung ikaw ay estudyante, pupunta ka sa kahit anong station, ipapakita mo ang iyong ID at right then and there ipiprint ang inyong student beep card,” paliwanag ni Sec. Dizon.
Para magamit ang diskwento, kailangan lamang ipakita ng estudyante ang valid na school ID o enrollment form. Simula Setyembre, maaaring mag-apply ang mga estudyante para sa special white Beep cards sa mga istasyon ng tren, kung saan awtomatikong mailalapat ang diskwento nang hindi na kailangang pumila para sa single journey ticket.
Sinabi ng DOTr na minomonitor nila ang bilang ng mga estudyanteng gumagamit ng diskwento sa pamamagitan ng data ng discounted tickets. May commuter hotline (0920-964-3687) at official social media channels para sa mga reklamo kung sakaling hindi mabigyan ng access ang mga estudyanteng kwalipikado.
Magkakatuwang magtutulungan ang DepEd at DOTr upang pag-isahin ang mga alituntunin at palawakin ang kaalaman ng publiko tungkol sa programang ito.
“Isang konkretong hakbang ito para gawing mas magaan ang edukasyon para sa mga pamilyang Pilipino,” ani Angara. “Kung mas madali at mas mura ang biyahe papunta sa paaralan, mas marami ang makakapagtapos, mas marami ang magtatagumpay.”

