Yosi

Driver, pahinante dinampot ng PRO1 cops dahil sa P1.1M smuggled na sigarilyo

Alfred Dalizon Jan 24, 2026
186 Views

DINAKIP ng mga tauhan ng Dagupan City Police Station ang driver at pahinante ng isang van dahil sa pagbibiyahe at pagbebenta ng mahigit P1.1 milyong halaga ng smuggled na sigarilyo nitong madaling araw ng Sabado, sinabi ni Police Regional Office 1 (PRO1) director, Brigadier General Dindo R. Reyes.

Sa isang entrapment operation, nahuli ang mga akusado sa Sitio Bliss, Barangay Bonuan Binloc sa Dagupan City ng mga tauhan ng Dagupan CPS at PRO1 Regional Intelligence Division at Regional Intelligence Unit 1, sinabi ng opisyal.

Nakuha sa pag-iingat ng dalawa ang isang van na naglalaman ng mga kontrabando. Kinilala ang dalawa sa mga alyas na ‘Cesar,’ isang 36-anyos na driver mula sa Bagong Barrio, Caloocan City at ang kanyang kasama na may alyas na ‘Raffy,’35, mula sa Villas, Pangasinan.

Ayon kay Brig. Gen. Reyes, nahuli ang dalawa bandang alas-3 ng umaga ng Sabado. \

Ginawa ang operasyon matapos matukoy ang dalawa na sangkot sa pagbibiyahe at pagbebenta ng mga puslit na sigarilyo sa Dagupan City at mga karatig-lugar gamit ang isang puting Nissan Urvan.

Sa gitna ng operasyon, inamin ng mga suspek na ang mga sigarilyo ay smuggled at ibinebenta sa mas mababang presyo.

Ang mga operatiba, na nagpanggap na mamimili, ay nag-ayos ng isang controlled delivery ng dalawang kahon ng smuggled na sigarilyo na nagkakahalaga ng P56,000, na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek.

Kabuuang 28 kahon ng Playboy-brand na sigarilyo ang nakumpiska, kabilang ang dalawang kahon na naibenta sa operasyon at 26 na kahon na natagpuan sa posesyon ng mga suspek.

Ang lahat ng nakumpiskang ebidensya ay maayos na na-inventory at itinurn-over sa Bureau of Customs para gamitin sa pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa mga suspek.

Ang operasyon ay isinagawa ng PRO1 alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at ni Acting Philippine National Police chief, Lieutenant Gen. Jose Melencio C. Nartatez Jr. na mas lalong paigtingin ang kampanya ng gobyerno laban sa smuggling at iba pang anyo ng sabotaheng pang-ekonomiya.

Pinuri ni Brig. Gen. Reyes mga unit na lumahok sa matagumpay na operasyon.

“Ang tagumpay na ito ay sumasalamin sa ating matibay na paninindigan na lansagin ang mga ilegal na Gawain sa ating nasasakupan. Kinikilala natin na ang smuggling ay isang pambansang hamon na nagpapahina sa ating ekonomiya, kaya ang PRO 1 ay nananatiling matatag sa pagputol ng mga supply chain na ito. Magpapatuloy ang ating pakikipagtulungan sa ibang ahensya upang protektahan ang publiko, pangalagaan ang kaban ng bayan, at itaguyod ang batas sa buong bansa,” ayon sa opisyal.