Garin

DS Garin: Mga kompanya ng Discaya nakasungkit ng bilyun-bilyong proyekto noong Duterte admin

477 Views

INUSISA ni Deputy Speaker Janette Garin ng Iloilo ang contractor na si Pacifico “Curlee” Discaya II tungkol sa kinita ng mga pagmamay-ari nitong construction firms, na mula sa halos wala bago ang 2016 ay umabot ng bilyon-bilyong piso sa ilalim ng administrasyong Duterte.

Ang mag-asawang Discaya, may-ari ng St. Timothy Construction at iba pang kumpanya na nasasangkot sa mga kuwestyunableng proyekto ng Department of Public Works and Highways, ay nasa sentro ng imbestigasyon ng House Infra Committee.

Sa pagdinig ng komite nitong Martes, sinabi ni Garin na ang biglaang paglaki ng kita ng mga kompanyang pagmamay-ari ni Discaya at misis nitong si Sarah ay kadudaduda.

Inusisa ni Garin si Curlee kaugnay ng financial statements ng kanilang mga kumpanya na isinumite sa Securities and Exchange Commission (SEC).

Ipinapakita sa dokumento na ang mga kumpanya na konektado sa Discaya ay nag-ulat ng zero na kita noong 2014 at 2015, at P99.25 milyon lamang noong 2016.

Noong 2017, tumaas ang kita nito sa P1.034 bilyon, o 942 percent na pagtaas kumpara sa nakaraang taon.

“Pasok tayo ng 2017—lumipad, tumalon ‘yung total revenue niyo to P1,034,443,000. Tama po ba? And this is an increase of 942 percent from the revenue of the previous year?” tanong ni Garin.

“Yes, your honor,” tugon ni Curlee.

Noong 2018, bigla pang tumaas ang kita sa P12.05 bilyon, o 1,065 percent na pagtaas, bago umabot sa P13.55 bilyon noong 2019.

Ipinunto ni Garin na patuloy ang pagdami ng bilyong kita ng mga Discaya kahit sa panahon ng COVID-19 pandemic, kung kailan hirap na hirap ang mga ordinaryong Pilipino.

“Ito ang panahon na marami ang nawalan ng trabaho, marami ang uncertainties, marami ang namatay, marami ang lumubog sa utang dahil napakamahal ng testing sa Pilipinas,” wika ng lady solon ng Iloilo.

Dagdag niya: “Ito rin ang panahon na ang ating healthcare workers ay hindi naswelduhan ng tama. Pero ang Discaya group of companies, ang revenue nila from government ay P11.583 billion [in 2020].”

Binigyang-diin niya na ang mga kumpanya ay nag-report ng P16.07 bilyon noong 2021, P20.52 bilyon noong 2022, at P18.62 bilyon noong 2023, lahat mula sa mga proyektong gobyerno.

“Of course, with due courtesy to Mr. Discaya, siguro they took advantage of a situation,” ayon kay Garin.

“‘Yun bang gutom ka, andyan ‘yung pagkain, napilitang kainin ng buong-buo na hindi mo na iniisip ang ibang tao, na hindi mo na iniisip na ikaw ay Pilipino,” diin ng mambabatas.

Sinabi ni Garin na ang imbestigasyon ay hindi lang para ilantad ang nakaraang pang-aabuso kundi para rin pigilan ang ganitong gawain sa kasalukuyang pamahalaan.

“Ako’y nagagalak bilang isang Pilipino na nadiskubre ito at sana ang ating panawagan mahinto ito sa current administration, because we should not allow the continuity of such programs and such projects,” paliwanag ng kongresista.

Nagbigay ng pahayag ang mga Discaya sa Senado tungkol sa umano’y pagkakasangkot ng ilang mambabatas sa anomalous flood control projects. Nagsumite rin sila ng affidavit na naglalahad ng umano’y daloy ng pondo at mga nakinabang—mga alegasyon na itinanggi ng mga nabanggit.

Sinabi ni Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon, lead chair ng Infra Comm, na dapat sagutin ng mag-asawa ang tatlong malinaw na butas sa kanilang testimonya sa Senado, ang kawalan ng ledger ng political payoffs bago 2022, na walang senador na umano’y sangkot, at sinasabing maliit lamang ang kita nito na taliwas sa kanilang marangyang pamumuhay.

Sa kanyang interpellation, inakusahan din ni Batangas 2nd District Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro si Curlee ng pagkakaroon ng “selective amnesia” dahil tumatangging tukuyin ang mga opisyal na umano’y humingi ng kickbacks noong administrasyong Duterte, kung kailan ang kanyang mga kumpanya ay nakakuha ng bilyon-bilyong piso sa kontrata.