Philhealth Source: File PIA photo

Ejercito hinihiling ₱74.4B dagdag-pondo para sa PhilHealth at zero balance billing

886 Views

NANAWAGAN si Senador Joseph Victor “JV” Ejercito nitong Martes sa pag-apruba ng ₱74.4 bilyong supplemental budget para sa PhilHealth, na layong pondohan ang Universal Health Care (UHC) program, ipatupad ang zero balance billing directive ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at magdagdag ng mas malawak na benepisyo para sa mga miyembro.

Sa Kapihan sa Senado forum, isinaad ni Ejercito, pangunahing may-akda ng UHC law, na ₱53 bilyon mula sa pondo ay nakalaan para sa premium contributions ng mga indirect contributors. Samantala, ₱21 bilyon naman ang para sa pagpapalawak ng mga benepisyo, kabilang ang dental services at iba pang karagdagang serbisyo.

Ayon sa utos ng Pangulo, ang mga senior citizens, persons with disabilities (PWDs), at mga mahihirap na pasyente na naka-confine sa basic accommodation o charity wards sa mga ospital ng Department of Health ay hindi dapat gumastos mula sa sariling bulsa.

Ipinunto ni Ejercito na kailangang mas mapalawak ng PhilHealth ang pagbabayad ng hospital bills para sa iba pang miyembro.

“The intent of universal healthcare is to lower the out-of-pocket expense of every Filipino,” wika ni Ejercito. “Malaking kagaanan yun sa bawat Pilipino na sila’y ma-hospital.”

Binigyang-linaw ng senador na dapat ay nararamdaman na ng taumbayan ang epekto ng UHC Act na nilagdaan noong 2019 at ipinatupad noong 2020. “Dapat ngayon pa lamang maramdaman na natin,” aniya, at idinagdag na bagama’t naapektuhan ng COVID-19 pandemic ang implementasyon, hindi na dapat ito maantala pa.

Iginiit din niya na ang pondo mula sa sin taxes at gaming revenues ay ayon sa batas na nakalaan lamang para sa UHC program sa pamamagitan ng PhilHealth. “By law, it is earmarked for universal healthcare through PhilHealth,” paliwanag niya.

Ipinabatid din ni Ejercito na ang ₱74.4 bilyon ay bahagi ng orihinal na National Expenditure Program para sa 2025. “Ito po yung original amount… nasa President’s budget ito,” aniya.

Dagdag pa niya, mas marami ang magpupunta sa mga pampublikong ospital dahil sa zero balance billing policy. “Kailangan natin ito supportahan with the needed funding kasi asahan natin na dadami ang nadagsaang magpapagamot sa ngayon,” sabi ng senador.