Enverga

Enverga nangakong babantayan imbestigasyon sa maling coordinates sa 8 FMR projects

Mar Rodriguez Nov 7, 2026
112 Views

NANGAKO si House Committee on Agriculture and Food Chairman at Quezon Rep. Mark Enverga na babantayan ng Kongreso ang imbestigasyon ng Department of Agriculture (DA) kaugnay ng maling coordinates sa walong farm-to-market road (FMR) projects.

Ayon kay Enverga, nais matiyak ng Kamara na mapanagot ang mga responsable sa pagkakamali at makapag takda ng mga reporma upang hindi na maulit ang ganitong insidente sa mga susunod na proyekto ng pamahalaan.

Tinanggap ng mambabatas ang desisyon ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na imbestigahan kung paano nagkaroon ng pagkakamali sa mga impormasyong nakasaad sa naturang mga proyekto.

Susubaybayan ng Kongreso ang magiging resulta ng imbestigasyon at ang mga susunod na hakbang na gagawin ng kagawaran.

“Yun ang babantayan namin dito sa Kongreso, kung ano man ang magiging aksyon, kung ano yung pinatunguhan ng ganyang imbestigasyon,” pahayag ni Enverga.

Ayon sa kongresista, kailangang matukoy kung paano nakapasok sa panukalang 2027 national budget ang mga maling coordinates at kung anong mga hakbang ang dapat ipatupad upang maiwasan ang pag-uulit ng naturang pagkakamali.

inamin ng DA na walo sa kabuuang 1,669 na FMR projects na nakapaloob sa National Expenditure Program (NEP) ang may maling coordinates dahil sa pagkakamali sa pag-encode, partikular sa isa o dalawang numerong maling na-type.

Dahil dito, nangako ang DA na susuriing muli ang mga dokumento ng proyekto at paiigtingin ang proseso ng validation. Makikipagtulungan din ang kagawaran sa mga civil society organizations (CSOs) upang masusing repasuhin ang mga kwestiyonableng impormasyon.

Pinuri rin ni Enverga ang pakikipagtulungan ng DA sa mga civil society groups, na aniya’y makatutulong upang higit na mapalakas ang transparency at matiyak na tama at beripikado ang mga impormasyong isinumite ng pamahalaan.

Binigyang-diin nito na hindi lamang dapat itama ang walong proyektong may maling coordinates kundi kailangang magkaroon din ng mga pagbabago sa sistema upang hindi na maulit ang katulad na problema sa mga susunod na pagsusumite ng pambansang badyet.

“Siguro po mahalaga naman is mapagbigyan na ito ay maitama nila at magkaroon ng reforms at hindi na ito mauulit sa mga darating na panahon,” ayon kay Enverga.