Calendar
Panukalang batas, programa para sa proteksyon sa mga bata isinusulong ni Speaker Dy
ISINUSULONG ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III ang mga panukalang batas at programa na layong maprotektahan ang mga bata laban sa iba’t-ibang panganib partikular sa tahanan at paaralan.
Kabilang sa mga inisyatibong itinutulak ni Dy ang pagbibigay ng karagdagang suporta sa bagong tanggapan ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na tututok sa pagsubaybay at pagtugon sa mga isyung may kaugnayan sa social media at online games.
Layunin nitong palakasin ang mga hakbang ng pamahalaan upang matiyak na mas ligtas ang paggamit ng internet ng mga kabataan at maprotektahan sila laban sa mga posibleng panganib sa digital na mundo.
Isinusulong din ang “Children’s Social Media Safety Act” na naglalayong magpatupad ng mas mahigpit na proteksiyon para sa mga bata laban sa mapanganib na nilalaman at iba pang banta sa social media.
Kabilang din sa mga panukala ang Responsible Firearm Ownership Act na naglalayong palakasin ang responsableng pagmamay-ari at paggamit ng mga baril upang mapanatiling ligtas ang mga tahanan at paaralan.
Mahalagang matiyak na ang proteksiyon sa mga bata ay hindi lamang nakatuon sa kanilang pisikal na kaligtasan kundi sa kanilang kapakanan sa paggamit ng makabagong teknolohiya.
Layunin ng Kamara de Representantes na makabuo ng mas ligtas na kapaligiran para sa mga kabataan at kung paano mapangangalagaan ang kanilang karapatan, seguridad at kinabukasan.
Isinusulong din ni Speaker Dy ang mga hakbang na magbibigay ng mas matibay na proteksiyon sa mga bata laban sa mga panganib sa loob at labas ng tahanan.

