Calendar
Hontiveros sa DFA: Pigilan pang-aabuso sa visa-free entry ng guerrilla POGO
HINILING ni Senador Risa Hontiveros sa Department of Foreign Affairs (DFA) na bantayan at pigilan ang pang-aabuso sa visa-free entry ng mga dayuhang sangkot umano sa mga guerrilla POGO at scam hub.
Tinatawag na guerrilla POGO ang mga iligal na operasyong nagpapatuloy kahit ipinagbawal na ang Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
“Kasi pang turismo dapat yan, hindi pang krimen,” ani Hontiveros sa panayam matapos ang pagdinig ng Senate subcommittee on justice and human rights noong Huwebes.
Sa pagdinig, inamin ng isang assistant secretary ng DFA na hindi pa nila minomonitor kung inaabuso ang 14-day visa-free privilege para sa mga Chinese national. Aniya, may bisa ito nang isang taon mula Enero, hanggang Enero 15, 2027 kung hindi siya nagkakamali, at hindi maaaring palawigin.
Sa 291 kataong natagpuan sa sinalakay na POGO hub sa Zamboanga Sibugay, humigit-kumulang 87 Chinese national ang pumasok gamit ang visa-free entry, ayon kay NBI Director Melvin Matibag.
Kung nagtatrabaho nga ang mga ito roon, lumalabag na sila sa polisiya na para lamang sa turismo o negosyo sa loob ng 14 na araw, sabi ng opisyal ng DFA. Inamin niyang ngayon lamang nila nalaman ang kaso at pag-aaralan ito kasama ang Bureau of Immigration.
“Malakas ang loob nila. So dapat mas malakas ang loob ng gobyerno. A ban is only as good as its implementation,” wika ni Hontiveros.
Ipinunto niyang apat na taon nang iniimbestigahan ng Senado ang POGO, nagpasa na ng anti-POGO law at ipinagbawal na ito ng ehekutibo. Pero nagpapatuloy pa rin umano ang operasyon sa ibang anyo, gamit ang iisang business model na nagbabago lamang kapag kumikilos ang gobyerno.
Sa pagdinig, sinabi rin ni Hontiveros na nakatanggap siya ng bagong impormasyon na sangkot umano sa bagong wave ng guerrilla POGO si Mary Ann Maslog, na lumabas sa imbestigasyon kay Alice Guo.
Ayon kay Matibag, batay sa impormasyon mula sa kanyang staff, nakakulong si Maslog sa Correctional Institution for Women (CIW) sa Mandaluyong. Nahatulan siya noong Enero 28, 2025 at inilipat ng NBI sa kustodiya ng CIW noong Pebrero 17, 2025.
Kailangan pa itong beripikahin sa CIW, at personal niyang aalamin ang impormasyon. “Well alam nyo naman, sometimes you don’t have to be outside the prison to do criminal activities,” dagdag ni Matibag.
Iginiit ni Hontiveros na kailangang ipatupad ang batas hindi lamang ng law enforcement kundi pati ng mga lokal na pamahalaan, na tinawag niyang “first line of defense” sa mga lugar na may nare-raid pa ring guerrilla POGO.

