Calendar
Repormang magtitiyak na pondo ng govt mapupunta sa mamamayan isinusulong
ISINUSULONG ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III ang mga repormang magtitiyak na ang pondo at tulong ng pamahalaan ay direktang mapupunta sa mga mamamayan na nangangailangan sa halip na nakabatay sa kanilang koneksyong politikal.
Ayon kay Speaker Dy, mahalagang maging bukas at malinaw ang proseso ng paglalaan ng pambansang badyet upang matiyak na nagagamit nang tama ang pera ng bayan at napakikinabangan ng mga ordinaryong Pilipino.
Dapat magkaroon ng sapat na pagkakataon ang publiko na malaman kung sino ang nagpanukala ng mga proyekto, ano ang dahilan ng paglalaan ng pondo at kung sino ang inaasahang makikinabang sa mga ito.
Bilang bahagi ng pagsusulong ng transparency, handa ang Kamara de Representantes na ilabas ang mga kinakailangang dokumento, gawing mas bukas sa publiko ang mga pagtalakay sa badyet at makipagtulungan sa mga civil society organizations upang mapalakas ang pagbabantay sa paggastos ng pamahalaan.
Binigyang-diin din ni Speaker Dy na kailangang unahin sa pambansang badyet ang mga pangunahing pangangailangan ng mamamayan gaya ng pagkain, trabaho, kalusugan, edukasyon, mga kalsada at paghahanda sa mga kalamidad at epekto ng El Niño.
Mahalagang magtulungan ang Kamara, Senado, mga ahensya ng pamahalaan at mga organisasyon ng mamamayan upang matiyak na ang bawat pondong inilaan ay nagdudulot ng konkretong benepisyo sa publiko, ayon kay Speaker Dy.
Nilinaw ni Dy na hindi nangangahulugang may iregularidad agad sa tuwing may pagbabagong ginagawa ang Kongreso sa panukalang pambansang badyet.
Ipinaliwanag niya na tungkulin ng mga kongresista na ipaglaban ang mga pangangailangan ng kani-kanilang distrito at tiyaking nabibigyan ng pondo ang mga proyektong makatutulong sa kanilang mga nasasakupan.
Gayunman, dapat tiyakin na ang bawat proyekto ay may sapat na dokumentasyon, maayos na plano at malinaw na pakinabang sa mamamayan.
Iginiit din ng Speaker na walang dahilan upang itago ang mga dokumento at proseso kung maayos at tapat ang paggamit ng pondo ng bayan.
Para kay Dy, hindi lamang usapin ng pamamahala ang transparency kundi karapatan ng bawat Pilipino na malaman kung paano ginagamit ang buwis na kanilang ibinabayad.

