Calendar
Ex-partylist solon suportado panawagan ng OWWA
KINATIGAN ni dating OFW Partylist Rep. Marissa Magsino ang panawagan ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na madagdagan ang pondo para sa repatriation at reintegration ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs).
Binigyang diin ng dating mambabatas na hindi biro ang papel na ginagampanan ng OWWA at Department of Migrant Workers kaya nararapat lamang na madagdagan ang kanilang pondo para sa pagpapatupad ng kanilang tungkulin para matiyak ang kaligtasan ng mga OFWs.
Hinihiling ng OWWA sa Department of Budget and Management (DBM) ang karagdagang P12 bilyong pondo para sa isinasagawa nilang repatriation at reintegration ng mga OFWs mula sa mga bansang apektado ng digmaan.
Ayon kay OWWA Administrator Patricia Yvonne Caunan, kalahati na ng emergency repatriation funds ang nagagamit ng kanilang ahensya para sa isinasagawa nilang repatriation at reintegration kaya kailangan na nila ang karagdagang alokasyon.
Tiniyak ni Magsino na hindi nananahimik ang OFW Party List sa kabila ng kabiguan nitong makapasok ngayong 20th Congress dahil patuloy ang kanilang monitoring at pagtutok sa kalagayan ng mga OFWs na bumabalik ng bansa.
Ipinaliwanag ni Magsino na hindi man aktibo sa kasalukuyan ang OFW Party List bilang kinatawan sa Kamara de Representantes nagpapatuloy pa rin ang mga adhikain at advocacy ng kanilang grupo para tulungan ang libu-libong OFWs.
