Calendar
2 OFW hinostage, binaril ng amo sa Lebanon, patay
NAGPAABOT ng tulong ang Department of Migrant Workers (DMW) sa mga pamilya ng dalawang Overseas Filipino Workers (OFWs) na pinaslang ng kanilang amo sa isang hostage incident sa Beirut, Lebanon noong Abril 15, 2026.
Ang mga biktima, na kapwa matagal nang household service workers sa nasabing tirahan, ay binaril at nasawi sa insidente. Naaresto na ang kanilang amo at kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya habang hinihintay ang pagsasampa ng pormal na kaso.
Sa utos ni Migrant Workers Secretary Hans Leo J. Cacdac, personal na bibisita ngayong araw sina DMW Undersecretaries Bernard P. Olalia at Felicitas Q. Bay sa mga pamilya ng mga biktima upang ipaabot ang pakikiramay at tiyakin ang buong suporta ng pamahalaan.
Mahigpit na nakikipag-ugnayan ang Migrant Workers Office (MWO), kasama ang Philippine Embassy sa Lebanon, sa mga lokal na awtoridad upang matiyak ang masusing imbestigasyon at ang pagsasampa ng kaukulang mga kaso.
Nananatiling nakatuon ang pamahalaang Pilipino sa pagkamit ng hustisya para sa mga biktima at sa patuloy na pagbibigay ng tulong sa kanilang mga pamilya, kabilang ang repatriation at pag-access sa mga benepisyo.
