Martin

EX-SPEAKER ROMUALDEZ, HINILING SA SANDIGANBAYAN NA MULING PAG-ARALAN ANG UTOS NA PREVENTIVE SUSPENSION SA KANYA

75 Views

HINILING ni dating Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa Sandiganbayan na muling pag-aralan ang kautusan nito noong Nobyembre 10 na nag-aatas ng kanyang preventive suspension bilang miyembro ng House of Representatives.

Sa mosyon para sa muling pagsasaalang-alang (motion for reconsideration) na inihain ng kanyang mga abogado sa Third Division ng Sandiganbayan na dumidinig sa kasong plunder laban sa kanya, binigyang-diin ni Romualdez ang katotohanang nakadetine na siya sa New Quezon City Jail sa Payatas, Quezon City, bukod pa sa iba pang mga dahilan, bilang batayan ng kanyang kahilingan.

Ayon sa kanya, walang lohika ang pagsuspinde sa kanya bilang mambabatas dahil nakakulong na siya at wala nang magiging layunin ang pagpataw ng preventive suspension sa kanya.

“Buong paggalang po, nagkamali ang Kagalang-galang na Hukuman nang ipasiya nitong walang kaugnayan ang pagkakadetine ng akusadong si Romualdez. Hindi na dapat ipataw ang preventive suspension kung hindi na nito maisasakatuparan ang layunin nito,” ayon sa kanyang mosyon.

Sa resolusyon nito noong Nobyembre 10, sinabi ng Third Division na layunin ng kautusang preventive suspension na “pigilan ang akusadong opisyal ng pamahalaan na hadlangan ang kanyang pag-uusig sa pamamagitan ng pananakot o pag-impluwensiya sa mga testigo, pakikialam sa mga dokumentaryong ebidensiya, o paggawa ng iba pang iregularidad habang nanunungkulan.”

Gayunman, sinabi ni Romualdez na hindi ipinaliwanag sa resolusyon kung “paano maisasakatuparan ang layuning ito sa pamamagitan ng pagsuspinde sa isang akusado na nakadetine na.”

Ayon sa kanya, sapat nang napigilan ng kanyang pagkakakulong ang pagsasagawa niya ng mga tungkulin sa kanyang tanggapan.

“Hindi magagampanan ng akusadong si Romualdez ang alinman sa mga tungkulin ng kanyang tanggapan, lalo na ang paggamit nito upang impluwensiyahan ang mga testigo o pakialaman ang mga ebidensiya, nang walang pahintulot ng Kagalang-galang na Hukuman. Samakatuwid, hawak na ng Kagalang-galang na Hukuman ang mismong kapangyarihang kontrolin siya na layunin namang matiyak ng preventive suspension,” ayon sa dating Speaker sa kanyang mosyon.

Binanggit niya ang mga desisyon ng Korte Suprema sa mga kaso ni dating Senador Antonio Trillanes at ng yumaong Zamboanga del Norte Rep. Romeo Jalosjos, na nagpagtibay sa pagtanggi sa kanilang mga petisyon na payagang dumalo sa mga sesyon at gampanan ang kanilang mga tungkulin matapos silang makulong sa magkahiwalay na kaso.

Napansin din ni Romualdez na sa pagpataw ng preventive suspension sa kanya, umasa ang Third Division ng Sandiganbayan sa mga kasong kinasangkutan noon ni dating Eastern Samar Vice Governor at ngayon ay 4Ps Rep. Marcelino Libanan, gayundin ni Dr. Demetrio Beroña ng Abra Provincial Health Office.

Ayon sa hukuman, walang anumang pag-aalinlangan sa pagpapatupad ng preventive suspension.

“Buong paggalang po, hindi ipinahihiwatig ng mga kasong Libanan at Beroña na ang mga akusado roon ay nakadetine at dahil dito ay hindi makagampan sa kanilang mga opisyal na tungkulin.

Samakatuwid, wala sa alinman sa dalawang kasong ito ang partikular na tumalakay sa sitwasyong inilalahad dito: ang umiiral na pagkakadetine ng akusadong si Romualdez at ang mga restriksiyong kaakibat nito,” ayon sa mosyon para sa muling pagsasaalang-alang.

“Magalang naming iginiit na ang pagiging mandatoryo ng preventive suspension ay nangangahulugang walang pagpapasya ang hukuman na ipagkait ito kapag natugunan na ang mga kinakailangang kondisyon. Gayunman, hindi nito inaalis ang rekisito sa ilalim ng sariling mga alituntunin ng Kagalang-galang na Hukuman na dapat munang ‘mapatunayang nararapat’ ang suspensiyon batay sa mga umiiral na desisyon ng Korte Suprema,” dagdag pa rito.

“Sa madaling salita, ang preventive suspension na walang anumang mapipigilan ay hindi na maituturing na pang-iwas. Hindi ito nararapat sa ilalim ng nasabing tuntunin at hindi na sana ipinataw,” giit nito.

Sa kanyang mosyon para sa muling pagsasaalang-alang, kinuwestiyon din ni Romualdez ang naging pasya ng hukuman na balido ang reklamong inihain laban sa kanya ng Office of the Ombudsman at ang mga partikular na gawaing iniuugnay sa kanya ay mga bagay na dapat pagtalunan sa paglilitis.

“Buong paggalang po, kailangang sapat na mailahad muna ang mga pangunahing gawaing bumubuo sa krimeng plunder bago mapatunayan ang mga ito sa paglilitis,” ayon sa dating Speaker na isa ring abogado.

“Ang pagiging mandatoryo ng preventive suspension ay nakabatay sa pagkakaroon ng balidong Information o pormal na sakdal. Ang mismong pagpapasyang ito ang buong paggalang na hinihiling ng akusadong si Romualdez na muling pag-aralan ng Kagalang-galang na Hukuman. Kinikilala rin mismo sa kinukuwestiyong resolusyon na hindi nawala ang karapatan niyang kuwestiyunin na ang mga inilahad na pangyayari ay hindi bumubuo ng isang krimen, kahit na naiharap na niya ang kanyang plea o pormal na sagot sa sakdal,” aniya.

Sinabi rin niya na nabigo ang reklamo ng Ombudsman na tukuyin kung sino sa mga inakusahan nito sa umano’y plunder ang pangunahing may kagagawan ng krimen.

Binanggit niya ang mga naunang desisyon ng hukuman na nagsasaad na: “Kapag ilang indibidwal ang kinasuhan ng plunder, hinihingi ng batas na tukuyin ang pangunahing may kagagawan nito, sa pamamagitan man ng alegasyon ng sabwatan sa loob ng isang grupo (wheel conspiracy), hayagang sabwatan (express conspiracy), o wastong paglalahad ng ipinahihiwatig na sabwatan (implied conspiracy).”

Sa kanyang kaso, sinabi ni Romualdez na magkasama silang sinasakdal sa Information ni dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co dahil sa umano’y pagtanggap ng pondo “dahil sa o may kaugnayan sa” kani-kanilang posisyon sa House of Representatives.

Gayunman, sinabi ni Romualdez na “hindi tinutukoy sa Information kung sino sa kanilang dalawa ang pangunahing may kagagawan ng plunder.”

“Hindi rin nito sinasabi kung magkano sa kabuuang P7,440,000,000 ang umano’y naipon ng bawat isa sa kanila. Binibigyang-kahulugan sa kinukuwestiyong resolusyon ang Information na nagsasaad na si akusadong Romualdez ang nagkamal ng yaman na nagmula sa ilegal na paraan. Ngunit hindi naman sinasabi sa Information na si akusadong Romualdez, at hindi si Co, ang nagkamal nito. Ang nakasaad lamang ay kapwa ‘nagpayaman sa kanilang sarili’ sina Romualdez at Co. Kailangan din itong resolbahin bago maging batayan ang Information para sa preventive suspension,” ayon sa mosyon para sa muling pagsasaalang-alang.

Bukod dito, sinabi ng mambabatas mula sa Leyte na sa pagdedesisyon na sapat ang reklamo ng Ombudsman, “itinakda ng hukuman ang pamantayan kung paano dapat suriin ang isang Information.”

“Kinilala nito na kailangang malinaw at tumpak na ilahad sa isang Information hindi lamang ang mga elemento ng krimen kundi maging ang mga pangyayaring bumubuo sa sakdal. Dapat ding mapatunayan ng mga nakasaad na pangyayari, kung ipagpapalagay na totoo ang mga ito, ang mahahalagang elemento ng krimen,” aniya.

“Gayunman, buong paggalang na aming sinasabi na hindi inilapat ng kinukuwestiyong resolusyon ang pamantayang ito sa mga partikular na gawaing iniuugnay sa akusadong si Romualdez. Sa halip, sinabi nitong ang mga personal na gawaing iniuugnay sa kanya, ang antas ng kanyang pakikilahok, at ang mga partikular na transaksiyon kung saan umano siya nakinabang sa mga kickback o komisyon ay mga bagay na dapat talakayin at resolbahin sa panahon ng paglilitis,” aniya.

Sa kanyang mosyon, kinuwestiyon din ni Romualdez ang naging pasya ng hukuman na ang kanyang mga argumento laban sa petisyon ng Ombudsman para sa kanyang preventive suspension ay mga batayang dapat sana niyang iniharap bago siya sumagot sa sakdal sa pamamagitan ng mosyon para ibasura ito (motion to quash).

Kabilang dito ang: (1) Hindi bumubuo ng isang krimen ang mga pangyayaring nakasaad sa sakdal; at (2) Walang awtoridad ang opisyal na naghain ng Information upang gawin ito.

Ayon sa hukuman, itinuturing nang isinuko ni Romualdez ang ikalawang batayan nang iharap niya ang kanyang plea noong Setyembre 16, 2026, samantalang ang unang batayan, na hindi maaaring isuko, ay tatalakayin nang sunod-sunod.

“Ang ganitong paglalarawan, buong paggalang po, ay mali. Ang pagtutol ng akusadong si Romualdez ay may kaugnayan sa umano’y maagang paghatol sa kanyang kaso sa panahon ng paunang imbestigasyon,” ayon sa kanyang mosyon para sa muling pagsasaalang-alang.

Muli niyang binanggit ang mga naunang desisyon ng Korte Suprema kung saan ipinatupad nito ang rekisito ng pagiging walang kinikilingan sa mga paunang imbestigasyon at pinawalang-bisa ang mga ito matapos mapatunayang nagkaroon ng maagang paghatol.

“Samakatuwid, ang pagtutol ay may kinalaman sa pagiging patas ng imbestigasyon at hindi lamang sa pormal na awtoridad ng opisyal na naghain ng Information,” aniya.

“Sa kasong ito, kinuwestiyon ng akusadong si Romualdez ang pampublikong paglalarawan sa kanya ng Ombudsman bilang ‘utak’ at ‘pangunahing may kagagawan ng plunder’ sa umano’y sabwatan, bago at habang isinasagawa ang paunang imbestigasyon,” diin niya.