Calendar
Fare discount ng MRT para sa mga estudyante suportado
BILANG Vice-Chairman ng House Committee on Transportation, sinusuportahan ni Romblon Lone District Representative Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona ang ipinatutupad na fare discount ng Metro Rail Transit (MRT) para sa mga estudyante.
Sinabi ni Madrona, chairman din ng House Committee on Tourism, na ang pagpapatupad ng fare discount ng MRT para sa mga mag-aaral ay napapanahon sapagkat ito ay isang malaking tulong bilang isang uri ng education support para sa kanila.
Paliwanag ng kongresista na hindi lamang ang mga estudyante ang natutulungan ng pamunuan ng MRT kundi pati narin ang kanilang mga magulang dahil sa napakalaking responsibilidad na binabalikat nila para pag-aralin ang kanilang mga anak.
Nauna rito, inilunsad ng Department of Transportation (DOTr) ang isang “enhanced discount program” para sa mga estudyante na sumasakay ng MRT papasok sa kanilang eskuwelahan kung saan itinaas ng ahensiya ang discount sa 50 percent sa LRT-1, LRT-2 at MRT-3.
Samantala, pinangunahan ni Madrona ang pagpapanumpa o oath of office ng mga bagong halal na local officials mula sa isla-munisipalidad ng Banton, Concepcion at Corcuera sa Romblon.
Ayon kay Madrona, ang ginanap na seremonya ay hindi lamang nagpapatibay ng “democratic process” sa ating bansa bagkos ang pagpapakita ng kaniyang dedikasyon at commitment para maitatag ang pagkakaisa sa buong lalawigan ng Romblon.

