Bata

Feeding programs sa paaralan, child dev’t centers palalawakin

143 Views

WALANG batang dapat mag-aral nang kumakalam ang sikmura.”

Ito ang binigyang-diin ni Senador Sherwin Gatchalian kaugnay ng panukalang 2026 national budget na nagpapalawak ng mga feeding program sa mga pampublikong paaralan at child development centers upang matugunan ang suliranin sa nutrisyon ng mga bata.

Sinabi ni Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Finance, na mahalagang tutukan ang kalusugan at nutrisyon ng mga mag-aaral dahil may direktang kaugnayan ito sa kanilang kakayahang matuto, lalo na sa mga pamilyang kapos sa kita.

Sa ilalim ng School-Based Feeding Program ng Department of Education, tataas mula 120 araw hanggang 200 araw ang feeding days sa 2026. Inaasahang 4.6 milyong mag-aaral ang makikinabang sa programa, kabilang ang lahat ng nasa Kindergarten at Grade 1. Patuloy ding susuportahan ang mga mag-aaral sa Grades 2 hanggang 6 na itinuturing na wasted, severely wasted, stunted, at severely stunted.

Umabot sa ₱25.7 bilyon ang inilaan sa School-Based Feeding Program sa ilalim ng panukalang 2026 budget, batay sa mga dokumentong isinumite sa Kongreso.

Pinalalawak din ng Department of Social Welfare and Development ang Supplementary Feeding Program nito, na may panukalang pondo na ₱9.6 bilyon. Mula 120 araw, aabot na sa 180 araw ang feeding days ng programa, at inaasahang 1.8 milyong bata ang makikinabang.

Saklaw ng programa ang mga batang edad tatlo hanggang lima na nasa child development centers, pati ang mga batang edad dalawa hanggang apat sa ilalim ng supervised neighborhood play program.

Batay sa datos ng pamahalaan, nananatiling hamon ang malnutrisyon sa maraming komunidad, lalo na sa mga urban poor at liblib na lugar, kung saan naaapektuhan ang pagpasok at pagkatuto ng mga bata sa paaralan. Sinabi ng mga opisyal sa edukasyon at serbisyong panlipunan na ang feeding programs ay bahagi ng mga hakbang upang matugunan ang kakulangan sa nutrisyon at mahikayat ang patuloy na paglahok ng mga bata sa pag-aaral.