Calendar
Ang isa sa mga kabaong na inabandona sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila. JONJON C. REYES
Goitia: Mensahe ng mga kabaong ay ‘tama na’
NANINIWALA si Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia na malinaw ang ipinahihiwatig ng mga kabaong na natagpuan sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manilang mga ito: napuno na ang maraming Pilipino.
“Matagal nang sinusubok ang pasensya ng sambayanang Pilipino. Ngunit may hangganan ang pasensya ng bawat bansa. At tila narating na iyon ng sambayanang Pilipino.”
Ayon kay Goitia, hindi iisang pangyayari ang pinagmulan ng lumalalim na galit ng publiko kundi ang matagal nang paghamon sa soberanya ng Pilipinas.
“Huwag ninyong ipagkamali ang ating pagpipigil sa pagsuko. Walang bansang may dangal ang magtitiis sa walang humpay na pang-aalipusta,” aniya.
Kung may sinisimbolo man ang mga kabaong, ani Goitia, maaaring hudyat ito ng pagtatapos ng matagal na pagtitimpi ng sambayanan.
“Ipinahahayag nito ang matagal nang nais sabihin ng maraming Pilipino: tama na ang pangha-harass, tama na ang pananakot, tama na ang kawalang-galang.”
Nilinaw ni Goitia na ang galit ng mga Pilipino ay hindi laban sa mamamayang Tsino.
“Ang ating pagtutol ay hindi laban sa ordinaryong mamamayan ng Tsina. Ito ay laban sa mga patakaran at pagkilos na lumalabag sa soberanya ng Pilipinas at sa pandaigdigang batas,” aniya.
Aniya, dapat manatiling matatag ang Pilipinas nang hindi isinusuko ang mga prinsipyong bumubuo sa isang demokratikong lipunan.
“Ang tunay na lakas ng Pilipinas ay wala sa laki ng hukbong sandatahan kundi sa pagkakaisa ng mamamayan, tibay ng paninindigan, at paggalang sa batas at katarungan.”
Anuman ang tunay na layunin ng mga nag-iwan ng mga kabaong, sinabi ni Goitia na may isang katotohanang hindi na maaaring ipagsawalang-bahala.
“Maaaring hindi pa kilala ang nasa likod ng mga kabaong, ngunit malinaw ang ipinahihiwatig ng mga ito. Napuno na ang mga Pilipino. Hindi kami naghahanap ng hidwaan o digmaan.
Hinihingi lamang namin ang nararapat sa bawat malaya at nagsasariling bansa—paggalang sa aming soberanya, pagtalima sa pandaigdigang batas, at paggalang sa dignidad ng sambayanang Pilipino,” aniya.
Si Dr. Jose Antonio Goitia ay Chairman Emeritus ng Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at Filipinos Do Not Yield Movement (FDNY). Siya ay nagtapos ng Juris Doctor at Doctor of Philosophy (PhD), at may mga advanced degree sa MNSA, MPA, at MBA.

