Gold scammer nakatangay ng P3.3M

Bernard Galang Apr 18, 2026
68 Views

SAN JOSE, Tarlac–Aabot sa mahigit P3.3 milyon at mahahalagang gamit ang natangay mula sa tatlong lalaki matapos holdapin ng mga armadong suspek na nagpanggap na magbebenta ng gold bars sa Sitio Baag, Brgy. Iba noong Biyernes.

Sa ulat kay Police Regional Office 3 (PRO3) director Brig. Gen. Jess Mendez, iniulat ng mga biktima na sina alyas Hadji, 31; Gali, 52; at Mark Olarve ang holdap na ginawa sa kanila.

Nagtungo ang mga biktima sa lugar upang bumili ng gold bars mula sa isang contact.

Pagdating sa lugar, bigla silang nilapitan ng humigit-kumulang 13 armadong kalalakihan na nagdeklara ng holdap.

Isa sa mga suspek ay nakilalang si Capu, 50, na siyang nag-ayos ng meet up sa mga biktima bago ang insidente.

Tinangay umano ng mga suspek ang P3,060,000 na cash, mga cellphone na nagkakahalaga ng P200,000, isang gold tester na nagkakahalaga ng P60,000, mga credit cards, identification cards at iba pang personal na gamit.

Matapos ang insidente, tumakas ang mga suspek patungo sa hindi matukoy na direksyon.