Calendar
Larawan: FBI – Dallas/FB
FBI naglabas ng wanted poster para maaresto Pinoy na sex abuse suspek
NAGLABAS ng wanted poster ang Federal Bureau of Investigation laban sa isang Pilipino na kinilalang si Austin Jan Sy Yatco kaugnay ng umano’y online sexual exploitation ng mga menor de edad.
Sa advisory ng FBI Dallas noong Abril 18, nag-aalok ang ahensya ng pabuya na aabot sa $25,000 o higit ₱1.4 milyon para sa impormasyong magtuturo sa pagkakaaresto at pagkakahatol sa suspek.
Batay sa inilabas na detalye, isinilang si Yatco noong Agosto 27, 1998 sa San Pedro, Laguna. May taas umano itong 5’7”, may itim na buhok, kayumangging mata, at tumitimbang ng 149 pounds. Isa rin siyang Filipino national na marunong magsalita ng English at Tagalog.
Nahaharap siya sa kasong “conspiracy to produce child pornography” at “conspiracy to receive and distribute child pornography.” Ayon sa FBI, sangkot umano siya sa isang online group na mula 2019 hanggang 2021 ay gumamit ng gaming platforms at social media upang pagsamantalahan ang mga menor de edad at ipakalat ang iligal na content.
Pinaniniwalaang may koneksyon ang suspek sa Plano, Texas at sa Pilipinas, kung saan posibleng nagtatago.
Hinimok ng FBI ang publiko na makipag-ugnayan sa mga awtoridad kung may impormasyon hinggil sa kinaroroonan ng suspek upang mapabilis ang kanyang pagkakadakip.

