Calendar
Grade 9 na estudyante na nakasaksak, nakatsugi ng kaklase kakasuhan

HINIKAYAT ng Schools Division Office (SDO) of Las Piñas City ang lahat na iwasang magbahagi ng mga hindi kumpirmadong ulat o sensitibong media online bilang respeto sa pagdadalamhati ng pamilya ng estudyanteng napatay sa saksak ng ka-eskuwela noong Biyernes ng hapon.
Naglabas ng opisyal na pahayag ang SDO Las Piñas matapos ang nangyaring pananaksak ng 14-anyos na Grade 9 na estudyante na itinago sa alyas “MJE” sa Grade 8 na 13-anyos na si alyas “Ado” sa harap ng Room 401 na nasa ika-apat na palapag ng DPWH 3 Bldg, ng Las Pinas National High School sa Sultana St Tabon 1 Brgy. Daniel Fajardo, Las Piñas City alas-4:30 ng hapon.
Naisugod pa sa Las Piñas District Hospital ang biktima na idineklara ng wala ng buhay sanhi ng tama ng malalim na saksak sa kaliwang bahagi ng dibdib habang na-rescue naman ng pulisya ang child in conflict with the law (CICL) na residente ng Brgy. Talon 2 na may kagagawan sa pananaksak.
Sa ulat ng tanggapan ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Glenn Oliver Cinco, nag-ugat ang hindi pagkakaunawaan ng dalawa nang malimutan ng biktima ang sukli sa P20 na bigay ng CICL sa pinabiling tubig sa canteen ng paaralan.
Sa gitna ng pagtatalo, dito na kinuha ng CICL ang dalang balisong na binili umano niya sa online at itinarak sa dibdib ng biktima.
Ayon kay Las Piñas police chief P/Col. PCOL. Fermin Armendarez III, inihanda na nila ang mga dokumento para sa pagsasampa ng kaukulang reklamo laban sa CICL na nasa kostodiya ng lokal na City Social Welfare and Development Office habang isinasailalim sa wastong proseso alinsunod sa umiiral na Juvenile Justice and Welfare Act.

