Rape1

Wanted sa gahasa sa Malabon nagtago ng 2 taon, tiklo

Edd Reyes Aug 1, 2026
45 Views

NASUKOL ng pulisya makaraan ang mahigit dalawang taong pagtatago ang Top 2 Most Wanted Person ng Northern Police District (NPD) Biyernes ng hapon sa Malabon City.

Nakorner ng mga tauhan ni NPD Director P/BGen. Benliner Capili ang 35-anyos na si alyas “Mer” na nahaharap sa mga kasong qualified statutory rape at dalawang bilang ng lascivious conduct sa menor-de-edad na biktima dakong alas-3:30 ng hapon sa General Luna St. Brgy. Concepcion.

Bitbit ng mga operatiba ng Malabon Police Station ang warrant of arrest na inilabas noong Enero 9, 2024 ng Regional Trial Court, Family Court Branch 4 ng Malabon City nang isagawa ang pagdakip sa akusado.

Walang piyansang inirekomenda ang korte sa kasong rape laban sa akusado habang may kabuuang piyansang P400,000 ang inilaan sa kasong Lascivious Conduct para sa kanyang pansamantalang paglaya.

Binigyang papuri naman ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director P/MGen. Anthony Aberin ang NPD na aniya ay bahagi ng pangako ng organisasyon na mapangalagaan ang mahihinang sektor ng lipunan.