Calendar
Grupo sumuporta sa DOTr na ‘wag payagan dumaan carpooling sa EDSA Busway
İSANG grupo ang sumuporta sa posisyon ng Department of Transportation (DOTr) na huwag payagan ang paggamit ng EDSA Busway ng mga pribadong sasakyan para sa carpooling.
Ayon kay Shiela Pascual-Alberto, pangulo ng Mega Manila Consortium Corporation, hindi solusyon sa masikip na traffic ang pagbabahagi ng EDSA Busway sa mga pribadong sasakyan.
“Habang pinahahalagahan namin ang pagsisikap ni Nicolas Torre (general manager ng MMDA) sa pagtugon sa lumalalang kondisyon ng trapiko, naniniwala kami na ang pagbibigay ng espesyal na akses sa EDSA Busway ay hindi sagot sa problema ng congestion,” dagdag pa nito.
Si GM Torre ang nagmungkahi sa isang panayam na payagan ang malalaking sasakyan na may hindi bababa sa 10 pasahero na gumamit ng EDSA Busway.
Hinarang ni DOTr Giovanny Lopez ang panukalang ito at sinabing ginawa ang EDSA Busway para sa mga pampasaherong bus upang makapaghatid ng mas maraming tao nang hindi naaabala ng trapiko.
“Anumang hakbang na buksan ang lane na ito sa mga pribadong sasakyan, kahit pa sa ilalim ng carpooling, ay tiyak na magpapabagal sa operasyon ng mga bus at sisira sa layunin kung bakit ito nilikha,” dagdag ng DOTr secretary.
Suportado si Lopez ng Provincial Bus Operators Association of the Philippines (PBOAP), Pasang-Masda at ALTODAP, na lahat nagsabing mawawala ang tunay na layunin ng EDSA Busway kung papayagan ang carpooling.
Binigyang-diin din ng Mega Manila Consortium Corporation na ang naturang panukala ay madaling maabuso.
“Dapat bigyang-diin na ang EDSA Busway, o mas kilala ngayon bilang EDSA Carousel, ay sadyang nilikha upang maibsan ang trapiko sa buong kahabaan ng EDSA,” ayon sa grupo.
“Handa rin kaming makipagtulungan sa mga ahensyang nakatalaga sa pagmamanman ng trapiko sa Metro Manila.
Ngunit sa ngayon, ang aming simpleng panawagan ay: kung hindi sira, huwag nang ayusin,” ayon sa pangulo.

