Hataman

Hataman ikinagalak pagkaka-apruba ng Kamara sa Nat’l Hijab Bill

Mar Rodriguez Oct 19, 2022
307 Views

IKINAGALAK ng isang Mindanao congressman ang pagkaka-apruba ng Kamara de Representantes sa panukalang batas na naglalayong ideklara ang Pebrero 1 bilang “National Hijab Day” upang magkaroon din ng “public awareness” kaugnay sa mga Muslim traditions at masawata ang diskriminasyon batay sa kanilang relihiyon.

Sinabi ni House Deputy Minority Leader at Basilan Lone Dist. Cong. Mujiv Hataman na inaprubahan na ng House Committee on Muslim Affairs ang panukalang batas na nagde-deklara sa Pebrero 1 bilang National Hijab Day bilang paraan narin para magkaroon ng kaalaman ang publiko sa mga tradisyon ng mga Muslim.

Ipinaliwanag ni Hataman na napapanahon ang pagkakapasa sa committee level ng nasabing panukala. Sapagkat paunti-unti ay magkakaroon ng kaalaman ang mamamyan at maimumulat sila sa kahalagahan ng pagsusuot ng Hijab para sa mga Moro.

“It is time to pass this measure into law. Ito ay para imulat ang mga mamamayan sa kahalagahan ng pagsusuot ng Hijab para sa mga kababayan nating Moro,” ayon kay Hataman.

Sinabi pa ng kongresista na lalo pa aniyang itinaas ng House Bill No. 3725 ang antas ng pang-unawa ng mamamayan patungkol sa tradisyon at kultura ng mga Muslim partikular na sa pagsusuot ng Hijab sa hanap ng mga kababaihang Muslim.

Binigyang diin pa ni Hataman na ito’y maituturing din bilang isang mabisang intrumento laban sa nangyayaring diskriminasyon sa mga Muslim batay lamang sa kanilang relihiyon.

Nauna rito, isiniwalat ni Hataman na dahil sa pagsusuot ng Hijab ng mga babaeng Muslim. Ang ilan sa kanila’y nakakaranas ng diskriminasyon, kung saan, hindi sila tinatanggap sa paaralan, hindi pinapapasok sa isang establiyemento at hindi pinasasakay sa isang public transportation.