Senado

Hatol ng Korte Suprema tatalakayin ng Senado sa Agosto 6

196 Views

MAGSASAGAWA ng deliberasyon ang Senado sa Agosto 6 hinggil sa desisyon ng Korte Suprema na nagpawalang-bisa sa impeachment complaint laban kay Pangalawang Pangulo Sara Duterte, kasabay ng pagbubukas muli ng plenary session nito.

Inihayag ni Senate President Francis “Chiz” Escudero ang nasabing desisyon sa sesyon ng Senado noong Hulyo 29, at idinetalye na ito ay resulta ng naging kasunduan sa isang caucus ng mga senador.

“For the record, it was agreed in caucus that the matter will be decided upon by the Senate on August 6, 2025 when we open session on that date,” pahayag ni Escudero sa plenaryo. Dagdag pa niya, ang itinakdang petsa ay magbibigay ng “sapat at malawak na panahon” para sa mga senador na mapag-aralan ang 97-pahinang desisyon ng Korte, kabilang ang mga magkakahiwalay at sabayang opinyon ng ilang mahistrado.

Ipinasiya ng Korte Suprema na ang reklamong impeachment laban sa Pangalawang Pangulo ay “null and void ab initio,” at binigyang diin na nilabag nito ang kanyang karapatang sa due process.

Dahil dito, nahinto ang proseso bago pa man ito makarating sa antas ng paglilitis sa Senado.

Nauna nang ipinahayag ni Escudero na hindi magkokonvene ang Senado bilang isang impeachment court sa liwanag ng naturang desisyon. “Dapat sundin ang desisyon ng Korte Suprema,” giit niya, sabay-bigay-diin na kailangang kumilos ang Senado ayon sa limitasyon ng Konstitusyon at may paggalang sa pasya ng hudikatura.

Inaasahan na ang sesyon sa Agosto 6 ay magsisilbing pormal na pagkakataon para sa Senado upang talakayin at tukuyin ang magiging tugon nito sa naging hatol ng Korte Suprema.