Panabo Source: Panabo City Information Office

Hiling mula Senado: Mas mabilis na rescue, relief ops; paghahanda sa lindol

658 Views

NANAWAGAN ang mga senador ng mabilis na rescue at relief operations, mahigpit na inspeksyon sa kaligtasan ng mga gusali, at mas matatag na kahandaan sa kalamidad matapos ang 7.6-magnitude na lindol na yumanig sa Davao Oriental at mga karatig-probinsiya, na nagdulot ng tsunami warnings at paglikas ng mga residente.

Inatasan ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III ang Secretariat ng Senado na agad magsagawa ng earthquake drill para sa lahat ng kawani at opisina upang masiguro ang kahandaan ng institusyon.

“Consider an earthquake drill as soon as possible,” ani Sotto nang tanungin tungkol sa mga hakbang ng Senado sa kaligtasan.

Si Sotto rin ang may-akda ng Senate Bill No. 1220, na naging batayan ng Local Calamity Fund law—isang batas na nagbibigay sa mga lokal na pamahalaan ng kakayahang gamitin agad ang pondo sa oras ng kalamidad para sa mabilis na pagtugon at pagbibigay-tulong sa mga apektado.

Hinimok ni Senador Sherwin Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Finance, ang NDRRMC at mga lokal na pamahalaan na tiyaking mabilis at maayos ang paghahatid ng tulong sa mga pamilyang apektado.

“Dapat siguraduhin nating matatag ang mga pampublikong gusali gaya ng mga paaralan, ospital, at pamilihan laban sa malalakas na lindol,” aniya, sabay panawagan ng agarang building audits at structural assessments sa mga lungsod at probinsiya.

Nagpahayag si Senador Bong Go ng pag-aalala sa kalagayan ng mga apektadong residente at nanawagan ng tuloy-tuloy na pag-iingat at pagtutulungan. “Ang mga kalamidad ay dumarating nang walang babala, kaya dapat laging handa at nagkakaisa,” aniya, sabay hiling sa mga ahensya ng gobyerno at volunteers na palawakin pa ang tulong sa mga lumikas.

Ibinahagi naman ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa ang kanyang karanasan sa Davao City nang maramdaman ang lindol. “Doon sa firing range ako inabutan. Sumasayaw lahat ng punong kahoy. Kahit nakasquat na ako sa lupa, nahihilo pa rin ako sa lakas at tagal ng lindol. 7.6 intensity pala yun,” ani Dela Rosa sa mensaheng ipinadala ng kanyang tanggapan.

Nagpahayag siya ng pasasalamat na walang nasaktan sa kanyang kinaroroonan ngunit nanawagan ng mabilis na rescue at relief efforts sa mga lugar na labis na napinsala, lalo na sa mga baybaying komunidad.

Ayon sa NDRRMC, nagpapatuloy ang rescue operations, relief distribution, at damage assessment sa tulong ng AFP at mga lokal na pamahalaan. Binalaan ng Phivolcs na maaaring sundan pa ito ng mga aftershock sa mga susunod na araw.