Tingog

Hilongos nagpasalamat kay Romualdez, Tingog sa agarang tulong

214 Views

ISA sa mga pangunahing suliranin ng bayan ng Hilongos sa Leyte ang pagbaha dahil sa lokasyon nito na malapit sa mabababang lugar at sa ilog.

Kaya nang tumama ang Bagyong Uwan, kabilang ang Hilongos sa mga matinding naapektuhan sa Eastern Visayas.

Matapos makatanggap ng kahilingan mula sa lokal na pamahalaan, agad na tumugon ang opisina ni dating Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez at ng Tingog Party-list sa pamamagitan ng pagpapadala ng tulong noong Nobyembre 10 para sa mga residenteng nasalanta ng bagyo.

Lubos ang pasasalamat ng mga lokal na opisyal sa ipinakitang malasakit ni Romualdez at ng Tingog.

“In behalf of the people of Hilongos, lubos po kaming nagpapasalamat sa pinaabot na tulong. Kahit na sa short notice po na ibinigay namin, agad po kayong naghatid ng tulong,” sinabi ni Neil Melvin S. Flordelis, officer III ng Local Disaster Risk Reduction and Management Office (LDRRMO) ng Hilongos.

Hindi ito ang unang pagkakataon na nagpaabot ng suporta sa Hilongos ang Tingog at si Romualdez. Sa mga nakalipas na taon, kabilang ang bayan sa mga benepisyaryo ng iba’t ibang programa at inisyatiba na layuning mapabuti ang kabuhayan, kalusugan at kaligtasan ng mga residente.

Sa mabilis na pagtugon at tuloy-tuloy na malasakit, muling naipadama sa mga Hilongosnon na sa oras ng pangangailangan, may mga pusong handang umalalay at kumilos para sa kanilang kapakanan.