Calendar
Naglabas ng panandaliang phreatomagmatic burst ang Bulkang Taal
NAGPAKAWALA ng panandaliang phreatomagmatic burst ang Bulkang Taal nitong Miyerkules ng umaga, na nagbunga ng kulay abong ulap ng abo na tumaas mula sa pangunahing bunganga nito.
Ayon sa isang Facebook post ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), naganap ang insidente mula 6:51 n.u. hanggang 6:54 n.u.
Ang mga ulap ng abo, na umabot sa taas na 2,800 metro, ay tinangay patungong hilagang-silangan, batay sa mga kuha ng Lower Calauit at Napayong monitoring cameras.
Ipinaliwanag ng Phivolcs na ang phreatomagmatic eruption ay nagaganap kapag nagkakaroon ng interaksiyon sa pagitan ng magma at tubig, na nagreresulta sa pagbuo ng singaw, abo, at pira-pirasong materyal mula sa bulkan.
Iba ito sa phreatic eruption, na nangyayari kapag ang tubig ay nakikipag-ugnayan lamang sa mainit na bato o gas, na nagbubunga ng singaw ngunit walang direktang sangkot na magma.
Ang huling phreatomagmatic activity ng Taal ay naitala noong Oktubre 25 hanggang 26, kung saan tatlong phreatomagmatic bursts at isang phreatic event ang naganap sa hilagang-silangang bahagi ng pangunahing bunganga.
Nanatili ang Taal sa Alert Level 1, na nangangahulugang may abnormal na kondisyon ngunit walang nalalapit na pagsabog.
Gayunman, nagbabala ang Phivolcs na maaaring mangyari pa rin ang biglaang steam-driven o phreatic explosions, lindol na dulot ng bulkan, maliit na pag-ulan ng abo, at mapanganib na pag-ipon ng mga nakalalasong gas sa paligid ng Main Crater.
Ipinagbabawal pa rin ang pagpasok sa Taal Volcano Island, partikular sa Main Crater at Daang Kastila fissure, dahil sa posibilidad ng mga mapanganib na pangyayari. Ipinagbabawal din ang paglipad ng mga eroplano o drone malapit sa bulkan.
Pinapayuhan ang mga komunidad sa paligid ng lawa na manatiling alerto at sumunod sa mga abiso ng mga awtoridad.

