Libanan House Minority Leader Marcelino “Nonoy” Libanan

Hindi magandang pagpaplano ng DPWH ugat ng ghost project, flood-prone provinces hindi prayoridad sa flood control projects ― Rep. Libanan

1663 Views

KINUWESTIYON ni House Minority Leader at 4Ps Party-list Rep. Marcelino “Nonoy” Libanan ang Department of Public Works and Highways (DPWH) dahil sa mahina umanong pagpaplano na nagiging ugat ng mga ghost at substandard projects na isinisisi sa Kamara de Representantes.

Sa briefing ng House committee on appropriations kaugnay ng 2026 budget ng DPWH na pinamumunuan ni Secretary Vince Dizon, kinuwestiyon ni Libanan ang desisyon ng ahensiya na ilaan ang halos ikatlong bahagi ng taunang pondo nito sa mga flood control project, habang maraming probinsiya ang hindi nabibigyan ng sapat na serbisyo.

Nanawagan si Libanan sa DPWH na baguhin ang klase ng pagpaplano nito upang maibalik ang tiwala ng publiko sa paggastos ng bilyon-bilyong pondo mula sa buwis ng taumbayan.

“Ano bang basis ninyo sa identification? Kaya mahal na secretary, kailangan itong pag-aralan dahil mananalo lang po tayo dito ‘pag maganda ang ating planning,” sabi ni Libanan sa deliberasyon.

Sa ilalim ng 2026 National Expenditure Program (NEP) na isinumite sa House of Representatives ni Budget Secretary Amenah Pangandaman, hindi bababa sa P250.8 bilyon ang inilaan sa DPWH para sa mga flood control project.

“Sa aking tingin po, ang buong budget natin ay P6.793 trillion na ipinasa sa atin ng DBCC [Development Budget Coordination Committee]… At sa P880.01 billion [ng DPWH], ang nababasa po namin na flood control projects ay umaabot ng P250.8 billion… representing 32.3 percent of your budget,” ani Libanan.

“At unfortunately, ito ang pinaglalaanan ng malaking pondo ng ating bansa pero hindi natatapos ang ating baha. Nandiyan pa rin ang ating baha,” dagdag niya.

Iginiit niya na ang hindi tugma na hazard maps at aktuwal na alokasyon ng proyekto ay nagpapahina sa tiwala ng publiko, dahil ang mga komunidad na palaging binabaha ay nananatiling napapabayaan sa kabila ng paulit-ulit na pinsalang dulot ng kalamidad.

Sa pagbanggit sa government geohazard mapping and assessment, inilista ni Libanan ang top 20 flood-prone provinces kabilang ang Maguindanao, Cagayan, Pangasinan, Isabela, Nueva Ecija, Palawan, Pampanga, Agusan del Sur, Zamboanga del Sur, Iloilo, North Cotabato, Leyte, Bulacan, Northern Samar, Tarlac, Capiz, Zambales, Davao del Norte, Camarines Sur at Western Samar.

“Dito na po tayo nagsisimula magkamali. Dahil ‘yung mga binabahang probinsiya… ay hindi natin tinatamaan… 12 sa mga probinsiya wala po dito sa top 20 provinces. Ano bang basis ninyo sa identification?” dagdag pa niya.

Nagbabala rin ang Minority Leader tungkol sa tinawag niyang kahina-hinalang project reporting sa Eastern Samar, na binanggit ang mga pagkakaiba sa pagitan ng mga naiulat na accomplishment at aktuwal na progreso sa lupa.

Naalala ni Libanan na sa kanyang sariling probinsiya ng Eastern Samar, may mga proyektong nagkakahalaga ng bilyon ang ipinatupad sa mga lugar na hindi naman priority hazard zones.

“Alam n’yo, [noong] 2019 secretary, napapansin ko sa aking probinsiya sa Eastern Samar… Una ‘yung mga rock netting, P3 billion hindi namin maintindihan… Hard rock pero P3 billion ang iniligay. At may mga flood control projects po kami… ngayon pa lang nag-mobilize pero malaki ang accomplishment na inere-report… tingnan n’yo po baka ito na ang magiging ghost projects, kukubrahin na ang 100 percent,” babala niya. “Hindi naman nagla-landslide, hard rock pero P3 billion ang iniligay,” sabi ni Libanan.

“At may mga flood control projects po kaming nakikita. Ngayon pa lang nagsulputan, isa sa Ernani, barangay ng Ernani ng Soong at isa sa barangay ng Llorente. Ngayon pa lang sinimulan 2024 budget. At ang nakikita namin ay malaki ang accomplishment na inere-report at actually nag-mobilize pa lang in preparation. ‘Pag wala nang nakatingin, tingnan n’yo po baka ito na ang magiging ghost projects, kukubrahin na ang 100 percent,” dagdag pa niya.

Binigyang-diin ni Libanan na ang maling pag-prioritize ay nagpapalala sa epekto ng mga natural na sakuna, tinutukoy ang mga baybaying bayan sa Pacific na madalas tamaan ng bagyo ngunit hanggang ngayon ay walang mga seawall, habang ang pondo ay nakatuon sa river control projects sa ibang lugar.

“Malaki ang problema namin sa aming mga seawall, secretary. Maraming tinatamaan ng super typhoon, ‘yung mga Pacific towns. Hindi namin maintindihan. Hindi pina-prioritize ‘yung seawall pero nasa river controls pa natin. Kailangan i-rationalize natin ang paggamit ng ating pondo at kailangan managot ang dapat managot dito sa paglustay ng kaban ng bayan,” aniya.

Binigyang-diin ng beteranong mambabatas na ang integridad ng proseso ng pambansang budget ay nakasalalay sa tamang pagtukoy ng pangangailangan, transparent na alokasyon at mahigpit na pagmamanman upang matiyak na hindi masasayang ang pondo sa mga proyektong nasa papel lamang.

Binigyang-diin din niya na ang hindi tinitingnang mga accomplishment na iniulat ng mga kontratista at lokal na opisina ay sumisira sa accountability, at nagbibigay daan sa ghost projects sa ilalim ng kahinaan ng burukrasya.

Ang mga pahayag ni Libanan ay sumasalamin sa matagal nang pangamba sa proseso ng pagpaplano ng DPWH, kung saan napag-iiwanan umano ang mga lugar na nangangailangan ng imprastraktura.

Binigyang-diin ng mambabatas na ang mga lugar na madalas tamaan ng sakuna, partikular ang mga taunang binabayo ng bagyo, ay dapat gawing pinakamataas na prayoridad.

Nagbabala rin si Libanan na ang maling alokasyon ng pondo ay direktang nagreresulta sa pagkawala ng buhay at pagkasira ng kabuhayan.