HOA

HOA prexy nasawi, treasurer sugatan sa pamamaril sa Caloocan

Edd Reyes Aug 21, 2026
152 Views

DEDO ang babaeng pangulo ng Home Owners Association (HOA) at sugatan ang kanyang treasurer ng pagbabarilin ng hindi nakilalang salarin noong Huwebes sa Caloocan City.

Patay adag si alyas Gina, pangulo ng Brilliant Stone Village HOA, sa Bagumbong Dulo, Brgy. 171 sanhi ng mga tama ng bala sa iba’t-ibang bahagi ng katawan habang tinamaan din ng bala ang 45-anyos na treasurer na si alyas Cely.

Sa ulat ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, nasa loob ng tanggapan ng Brilliant Stone Village ang mga biktima ng pumasok ang suspek na nakasuot ng itim na jacket, itim na helmet, at maong na short pants alas-3:30 ng hapon.

Pinagbabaril ang mga biktima bago tumakas ang mga salarin sakay ng walang plakang itim na Yamaha Mio na minamaneho ng kasabwat.

Sa ulat ng Caloocan police, may mga pagbabanta ng natatanggap sa buhay ang biktima noon pa man na may kaugnayan umano sa away sa lupa.

Noong 2020, pinagbabaril ang bahay ng biktima ng hindi nakilalang suspek kaya’t umuwi muna ng probinsiya at ng inaakalang wala ng banta sa kanyang buhay ay bumalik na muli sa dating address.

Nakuha sa lugar ng krimen ang limang basyo ng bala, isang depormadong bala, isang tingga, isang bala at dalawang metallic fragment na mula sa kalibre .45.

Nagsasagawa na ng follow-up ang mga tauhan ni Caloocan police chief P/Col. Joey Goforth upang makilala at madakip ang mga suspek.