holdaper SIYA ANG SALARIN–Kinilala ng biktima ang lalaking nanutok sa kanya at tumangay ng kanyang E-trike makaraang maaresto sa isinagawang follow up operation ng mga pulis ng MPD Station 1. Kuha ni Jon Jon Reyes

Holdaper sa Maynila timbog

Jon-jon Reyes Jul 13, 2023
206 Views

DAHIL sa maigting na manhunt operation sa pamamagitan ng backtracking ng Close Circuit TV ng barangay, natimbog ang isang lalaki matapos holdapin ang isang trike driver at tangayin ang E-trike nito sa Juan Luna St., Gagalangin Tondo, Manila madaling araw ng Huwebes.

Nakilala ang suspek na si Sony Boy Isleta, 32, binata, walang trabaho, ng Frilles St., Barangay 182, Gagalangin , Tondo.

Nabatid sa ulat ni Police Lieutenant Colonel Wilfredo Fabros Jr , Commander ng Manila Police District-Raxabago Police Station 1, na dakong ala-1 ng madaling araw nang tutukan ng patalim ni Isleta ang biktima na nakilalang si “Alvin,” 23, ng Maypajo, Caloocan at sapilitang kunin ang P700 kita at E-trike ng kawawang trike driver.

Dahil dito, agad na nagpasaklolo ang binata sa Gagalangin Police Community Precinct.

Sa pangunguna ni Police Captain Gary Mendoza, hepe ng PCP, kasama sina Police Staff Sargent Archibald Beran at si Police Corporal Ron- Marquis Disameto, natunton ang kinaroroonan ng suspek at nabawi ang mga nakulimbat nito.

Kasong paglabag sa Article 293 (Robbery Hold-up) at BP 6 (Illegal Possession of Deadly Weapon) ang isasampa kay Gonzales.