Calendar
House trial spokesperson Zia Alonto Adiong ng Lanao del Sur
House prosecution: Hanggang P98M umano asset na di idineklara sa mga SALN ni VP Sara
INIULAT ng House prosecution nitong Huwebes ang umano’y mga pagkakaibang umaabot mula mahigit P80 milyon hanggang P98 milyon bawat taon sa pagitan ng mga deposito sa bangko, insurance investments, at iba pang asset na iniuugnay kay Vice President Sara Z. Duterte at sa kanyang asawang si abogado Manases “Mans” Carpio, at ng mga halagang idineklara sa kanyang Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALNs) mula 2022 hanggang 2025.
Sinabi ni House trial spokesperson Zia Alonto Adiong ng Lanao del Sur na batay sa paghahambing ng prosecution sa bawat taon, may mga halagang umano’y hindi idineklara na higit P80 milyon noong 2022, P98 milyon noong 2023, P66 milyon noong 2024, at P70 milyon noong 2025.
“Noong 2023, merong P98 milyon na kabuuang sumatotal sa lahat po ng nabanggit namin—mga bangko, insurance, properties at baril—na hindi po nila naideklara. Meron pa silang butal,” sabi ni Alonto Adiong sa isang press briefing.
Ang mga halagang ito ay batay sa mga financial record at testimonya na iniharap sa impeachment trial ni Duterte sa Senado, kabilang ang mga ebidensiyang nagmula sa mga kinatawan ng mga bangko at kompanya ng insurance.
Para sa 2022, tinukoy ng prosecution ang mahigit P59 milyon na balanse sa mga bangko sa pagtatapos ng taon at mahigit P35 milyon na bayad para sa insurance at investments, kumpara sa mas mababa sa P14 milyon na idineklarang ibang personal na ari-arian. Lumampas umano sa P80 milyon ang halagang hindi naideklara.
Para sa 2023, binanggit ng prosecution ang mahigit P71 milyon na balanse sa mga bangko, mahigit P35 milyon na bayad para sa insurance at investments, at mga baril na nagkakahalaga ng mahigit P7 milyon, kumpara sa mas mababa sa P15 milyon na idineklarang ibang personal na ari-arian. Lumampas umano sa P98 milyon ang pagkakaiba.
Para sa 2024, tinukoy ng prosecution ang mahigit P22 milyon na balanse sa mga bangko, mahigit P59 milyon na bayad para sa insurance at investments, at mga baril na nagkakahalaga ng mahigit P7 milyon, kumpara sa mas mababa sa P22 milyon na idineklarang ibang personal na ari-arian. Lumampas umano sa P66 milyon ang halagang hindi naideklara.
Para sa 2025, binanggit ng prosecution ang mahigit P39 milyon na balanse sa mga bangko, mahigit P54 milyon na bayad para sa insurance at investments, at mga baril na nagkakahalaga ng mahigit P7 milyon, kumpara sa mas mababa sa P30 milyon na idineklarang ibang personal na ari-arian. Lumampas umano sa P70 milyon ang pagkakaiba.
Napansin ni Alonto Adiong na nagdeklara si Duterte ng zero cash on hand at zero cash in bank sa kanyang mga SALN para sa mga taong iyon, sa kabila ng mga balanseng natukoy sa panahon ng paglilitis.
“Wala daw po siyang pera, zero in cash in hand or cash in bank,” sabi ni Alonto Adiong.
“Pero nakikita naman po natin doon sa lumabas na mga testimonya na galing po sa insurance companies, pati sa mga bank managers, na meron pong mga deposit na meron pong mga pera under the name of Sara Duterte and her husband Atty. Mans Carpio,” dagdag niya.
Kinuwestiyon din ni Alonto Adiong ang insurance investments ng mag-asawa, na umabot sa P35.2 milyon noong 2022, P35.9 milyon noong 2023, P59.6 milyon noong 2024, at P54.4 milyon noong 2025.
Tinukoy niya ang BDO Life bilang kompanya ng insurance na may pinakamalaking investment amount sa mga kompanyang isinama sa presentasyon ng prosecution.
“Una, tatandaan po natin, hindi po ito naideklara sa kanilang SALN. Tandaan natin na ang mga investment plans po ay itinuturing na asset,” sabi niya.
Ayon sa mambabatas, ang insurance investments lamang ay lumampas sa mga halagang idineklarang ibang personal na ari-arian ng humigit-kumulang P21 milyon noong 2022, P21 milyon noong 2023, P38 milyon noong 2024, at P25 milyon noong 2025.
Para sa 2024, partikular niyang kinuwestiyon ang P59.6 milyon na insurance investments kumpara sa humigit-kumulang P22 milyon na idineklarang ibang personal na ari-arian.
“Pero kung ibabangga po natin sa actual na investment na binili po nila sa mga insurance company, nagkakahalaga ng P59.6 million, meron pong butal o hindi ma-explain o hindi declared na P38 million pesos in 2024,” sabi ni Alonto Adiong.
Kinuwestiyon din ng prosecution ang dalawang real property na nakarehistro sa pangalan ni Carpio sa Davao City at sa Island Garden City of Samal, na may pinagsamang halagang pagbili na humigit-kumulang P9.45 milyon.
Kabilang dito ang isang 379-square-meter na ari-arian sa Matina, Davao City, na binili sa halagang P6 milyon, at isa pang ari-arian sa Samal Island na nakuha sa halagang humigit-kumulang P3.45 milyon.
Kinuwestiyon ni Alonto Adiong kung maayos na naibunyag ang mga ari-ariang ito, at binanggit ang tila pagkakaiba sa mga paglalarawan ng mga ito sa land titles at sa mga SALN ni Duterte.
Binanggit din ng prosecution ang testimonya mula sa Philippine National Police Firearms and Explosives Office na tumukoy sa mga baril na nakarehistro kina Duterte at Carpio, na may pinagsamang halaga na mahigit P7 milyon.
Isinama ang mga baril sa paghahambing ng prosecution sa mga asset para sa 2023, 2024 at 2025, habang ang halaga ng mga ito para sa 2022 ay nakalista bilang hindi alam.
Ayon kay Alonto Adiong, ang mga financial record at iba pang asset ay nagbubukas ng mga tanong tungkol sa kayamanan ng mag-asawa at sa pagiging kumpleto ng mga isiniwalat ni Duterte sa kanyang SALN.
Ang mga umano’y pagkakaibang ito ay bahagi ng Article II ng impeachment complaint, na inaakusahan si Duterte ng pagkakaroon ng hindi maipaliwanag na yaman at kabiguang tapat na ideklara ang kanyang mga ari-arian.

