Anne Anne Loraine Garcia-Marquez, chief of staff ng BIR commissioner at isang certified public accountant JOSEPH MUEGO

Prosekusyon ipinakita mga lagda nina VP Sara, Carpio sa 2025 tax documents

102 Views

IPINAKITA ng prosekusyon nitong Huwebes sa impeachment court ang mga dokumento sa buwis na may mga lagdang nakapangalan kina Vice President Sara Duterte at asawa nitong si Atty. Manases Carpio, na ayon sa isang opisyal ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ay nagpapahiwatig ng kanilang pagkilala sa impormasyong nakasaad sa mga ito.

Sa ika-36 na araw ng impeachment trial, ipinaliwanag ni Atty. Anne Loraine Garcia-Marquez, chief of staff ng BIR commissioner at isang certified public accountant, ang kahulugan ng pagpirma sa Statement of Management’s Responsibility for Annual Income Tax Return.

Saklaw ng mga dokumentong ipinakita ang taong nagtapos noong Disyembre 31, 2025.

Sa dokumentong nakapangalan kay Duterte, makikita ang lagda sa ibabaw ng kanyang pangalan at ang katagang proprietor.

“Ibig sabihin po, the Vice President acknowledge this and is responsible,” paliwanag ni Garcia-Marquez.

Ipinakita rin ang katulad na dokumentong nakapangalan kay Carpio, na may lagda rin sa bahaging nakalaan para sa proprietor.

“Dahil po ito ay signed, ibig sabihin ay ina-acknowledge nila ang lahat ng detalye na nakalagay dito bilang tax payers,” ani Garcia-Marquez.

Nakasaad sa mga dokumento na pananagutan ng taxpayer ang impormasyong nakapaloob sa annual income tax return at mga kalakip nitong financial statements.

Kabilang din sa deklarasyon ang pagpapatunay na ang mga financial statement at tax return ay naaayon sa mga libro at rekord ng taxpayer at kumpleto at tama sa mahahalagang aspeto.

Iniharap ang mga dokumento sa pagdinig sa Article II ng impeachment complaint laban kay Duterte, na tumatalakay sa mga alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman at mga deklarasyon ng kanyang ari-arian.

Nauna nang tumutol si defense counsel Atty. Kristine Ferrer sa pampublikong pagpapakita ng mga rekord sa buwis, dahil sa pagiging confidential ng mga ito at sa mga probisyon ng Data Privacy Act.

Ayon sa depensa, magkaiba ang pahintulot na suriin at kopyahin ang mga rekord at ang pahintulot na ipakita ang mga ito sa publiko.