Calendar
House Resolution para sa clemency ni Mary Jane Veloso ikinagalak ni Magsino
𝗜𝗞𝗜𝗡𝗔𝗚𝗔𝗟𝗔𝗞 ni dating OFW Party List Representative Marissa “Del Mar” P. Magsino ang paghahain ng resolution sa Kamara de Representantes na naglalayong ipanawagan ang pagkakaloob ng clemency para sa dating Overseas Filipino Worker (OFW) na si Mary Jane Veloso.
Isinulong ng Gabriela Party List sa Mababang Kapulungan ang House Resolution No. 583 upang ipanawagan ang pagbibigay ng clemency para kay Mary Jane na biktima lamang ng human trafficking.
Dahil dito, sinabi ni Magsino na ang patuloy na pagkakakulong ni Mary Jane ay maituturing na “grave injustice” sapagkat malinaw lamang umano na siya ay biktima ng human trafficking na matagal ng problema ng bansa dahil narin sa mga sindikatong nasa likod nito.
Pagbibigay diin ni Magsino na panahon na para mabigyan ng clemency si Mary Jane dahil halos labing-limang taon na siyang nakakulong at hanggang sa kasalukuyan ay hindi parin nito nakakamit ang hustisya.
Ayon kay Magsino, kahit hindi aktibo sa Kamara de Representantes ang OFW Party List ngayong 20th Congress. Subalit patuloy parin ang kanilang pagsubaybay at pagtutok sa kalagayan ni Mary Jane kasama na ang pamilya nito.
Hindi man pinalad ang OFW Party List na makapasok bilang miyembro ng 20th Congress, tiniyak naman ng dating kongresista na ipinagpapatuloy parin ng OFW PL ang adbokasiya nito para tulungan ang mga OFWs na gaya ni Mary Jane na nahaharap sa mabigat na siliranin lalo na ang mga biktima ng human trafficking.
Magugunitang dating dumulog kay Magsino ang magulang ni Mary Jane na sina Cecilia at Cesar kasunod ang pagpapatibay nito ng kaniyang commitment para sa mga OFWs na may kahalintulad na sitwasyong sinapit ni Mary Jane.
Sa pagkakataong ito, muling tiniyak ni Magsino sa pamilya Veloso ang kaniyang patuloy na suporta hindi lamang para kay Mary Jane, bagkos para sa lahat ng OFWs na nakikipag-sapalaran sa ibayong dagat subalit nahaharap sa iba’t-uri ng problema.

