Calendar
Ilang bahaing lugar sa NCR, hindi na binabaha — PBBM
Ilang pangunahing kalsada sa Metro Manila na dati nang madalas bahain ang nanatiling walang baha matapos ang malakas na ulang dulot ng habagat, ayon sa Malacañang.
Kabilang sa mga lugar na hindi naitala ang pagbaha ang G. Araneta Avenue sa Quezon City, Bonifacio Drive sa tapat ng Manila Hotel, at bahagi ng Taft Avenue malapit sa Colegio de Sta. Isabel.
Ayon sa administrasyon, bunga ito ng mga flood control project sa ilalim ng Oplan Kontra-Baha, kabilang ang pagpapalawak ng drainage system, dredging o paglilinis ng mga daluyan ng tubig, at pagpapagawa ng mga pumping station.
Noong nakaraang buwan, personal na ininspeksyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang G. Araneta Drainage Improvement Project. Aniya, mas mabilis nang humuhupa ang baha sa lugar kumpara sa mga nakalipas na taon.
“Kaya napakalaking bagay na ayusin natin ito. Kaya ’yan ang ating ginawa, patuloy natin itong gagawin,” pahayag ng Pangulo.
Dagdag pa niya, ipagpapatuloy ang proyekto sa kabilang bahagi ng G. Araneta Avenue upang lalo pang mapabilis ang daloy ng tubig at maiwasan ang pagbaha.
Nanawagan din si Marcos sa lokal na pamahalaan ng Quezon City na tumulong sa paglutas ng problema sa basura na bumabara sa mga drainage system.
Inilunsad ng pamahalaan ang Oplan Kontra-Baha noong nakaraang taon na kinabibilangan ng paglilinis ng mga daluyan ng tubig, rehabilitasyon ng drainage system, at pag-upgrade ng mga pumping station sa Metro Manila at iba pang flood-prone areas sa bansa.

