Edd Reyes

Ilang negosyante may krisis na, namantala pa, parang nung Pharmally scandal

Edd Reyes Apr 1, 2026
165 Views

PAPAANO kaya naaatim ni Senator Ronald “Bato” Dela Rosa na tumanggap ng napakalaking sahod, allowance, at iba pang benepisyo bilang isang mambabatas ng hindi man lamang ginagampanan ang kanyang trabaho?

Sa dami kasi ng batikos mula sa iba’t-ibang grupo, political analyst, organisasyon at mga ordinaryong manggagawa, tila dedma lang dito ang mambabatas na para bang wala siyang pamilyang naaapektuhan sa mga masasakit na salitang ipinupukol laban sa kanya.

Hiniling pa nga niya sa pamunuan ng Senado kamakailan na payagan ang kanyang pamilyang gamitin ang Senate Mansion sa Baguio City para sa gaganaping practical shooting match ng Chief of Staff Armed Forces of the Philippines Cup 2026.

Pero binutata ito ng Senado dahil bukod sa kinukumpuni ang Senate Mansion, hindi rin pinapayagan ang pamilya ng isang senador na gamitin ito kung hindi kasama ang mambabatas.

Sa ngayon, lalu pang nakaramdam ng labis na ngitngit at sobrang inggit kay Bato ang mga ordinaryong manggagawa, lalu na ang mga driver ng pampublikong sasakyan, dahil kahit maghapon-magdamag pa silang kumayod, halos wala pa rin silang naiuuwing kita sa kanilang pamilya dahil sa sobrang mahal ng krudo at gasolina.

Hindi nga naman tulad ni Bato na kahit pakuya-kuyakoy lang at hindi gumaganap sa mandato bilang mambabatas ay tumatanggap ng halos P300,000 kada buwang sahod, P2,000 subsistence allowance, P15,500 representation at transportation allowance, at iba pang benepisyo.

At kahit apat na buwan na siyang hindi nasisilayan sa Senado, may mga pinamumunuan pa rin siyang komite kaya swak pa rin sa kanyang tanggapan ang sahod ng kanyang mga staff na karamihan umano ay kanyang kaanak na aabot sa mahigit P3 milyon, bukod pa sa kanyang MOOE o maintenance and other operating expenses na aabot sa mahigit P2 milyon.

Tanggapin man natin ito o hindi, iyan ang masaklap na katotohanan, dahil wala raw sa rules o umiiral na panuntunan ng Senado na ipitin o huwag ibigay ang sahod ng isang senador na lumiban ng napakatagal sa kanyang trabaho kahit walang paliwanag.

—————————–

Ilang LPG retailers, apat na besesnagtaas ng presyo sa loob ng isang buwan?

Nang i-anunsiyo ng Liquified Petroleum Gas Marketers Association, Inc. (LPGMA) na posibleng pumalo sa P1,500 hanggang P2,000 ang kada tangke ng 11-kilo ng cooking gas, maraming mga retailers ang nagsamantala nang itaas agad nila ang presyo ng kanilang produkto.

Karamihan sa mga nagsamantala sa pagtataas ang mga retailer ng mga independent gas company na nagbebenta ng bahagyang mas murang LPG sa mga consumer kumpara sa malalaking oil company.

Dito nga lang sa Tayuman Street sa Sta Cruz, Manila, apat na beses na nagtaas ang isang retail outlet ng independent gas company sa buwan lang ng Marso gayung ang pagtaas sa presyo ng LPG ay ina-anunsiyo lang tuwing katapusan ng buwan.

Sabi ng isang consumer, inamin sa kanya ng retailer na tatlong beses na tumaas sa buwan ng Marso ang LPG at tataas pa ito pagdating ng Abril 1 gayung bago pa man i-anunsiyo ang posibleng pagtataas ay matatag pa naman ang contract price nito sa pandaigdigang pamilihan.

Yan ang hirap sa ilang mga negosyante, sa halip na magmalasakit dahil sa nararanasang krisis, pagsasamantala pa ang inatupag para kumita ng malaki. Naalala ko tuloy ang Pharmally scandal noong COVID-19 na pinakamalaking kontrobersiya ng korapsiyon ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com