Calendar
Impeachment trial ni VP Sara pinagpulungan ng mga senador
NAGPULONG sa ang mga senador noong Biyernes habang naghahanda ang Senado para sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa July 6.
Dinaluhan ang caucus ng mga senador, kabilang ang ilan sa mga naging magkasalungat ang posisyon sa nagdaang banggaan sa liderato ng kapulungan.
Layunin ng pulong na pag-usapan ang mahahalagang usapin bago maupo ang Senado bilang impeachment court.
Kabilang sa inaasahang may mahalagang papel sa proceedings sina Senate President Sherwin Gatchalian, Senate President Pro Tempore Vicente Sotto III, Majority Leader Juan Miguel Zubiri, at Senators Panfilo Lacson, JV Ejercito, Joel Villanueva, Risa Hontiveros at Erwin Tulfo.
Nakita ding dumalo sa caucus sina Sens. Francis Escudero at Loren Legarda, na naging kapansin-pansin ang presensya habang nagpupulong ang mga senador bago ang pormal na pagsisimula ng paglilitis.
Idinaos ang pulong ilang araw matapos inspeksiyunin ng mga opisyal ng Senado ang plenary hall at ang mga silid na inilaan para sa prosecution at defense panels. Inaayos din ng Senado ang sistema para sa media coverage, mga bisita ng magkabilang panig at limitadong pagpasok ng publiko.
Inaasahang tututukan ang impeachment trial dahil uupo ang Senado bilang korte at ang mga senador bilang mga hukom.
Nag-ugat ang kaso laban kay Duterte sa articles of impeachment na ipinadala ng House of Representatives sa Senado. Itinanggi ni Duterte ang mga paratang at iginiit na pulitika ang nasa likod ng kaso laban sa kanya.
Sa ilalim ng Konstitusyon, kailangan ang boto ng hindi bababa sa two-thirds ng lahat ng miyembro ng Senado para mahatulan ang isang opisyal sa impeachment trial.
Inaasahang pag-uusapan sa caucus ang trial rules, usapin sa presiding officer, access arrangements at iba pang procedural concerns bago pormal na magpulong ang Senado bilang impeachment court.

