Baste

Inilipat ng impeachment court subpoena kay Baste Duterte sa Set. 28–30

27 Views

BINAWI ng Senate impeachment court noong Lunes ang subpoena na dapat sanang magpasaksi kay Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte sa Miyerkules, at inilipat na lang ito sa Setyembre 28 hanggang 30, kung saan siya ang inaasahang unang testigo ng prosekusyon sa linggong iyon, ayon kay court spokesman Atty. Reginald Tongol.

Iniutos ni Presiding Officer Francis Escudero ang pagbawi matapos niyang mapansin na hindi magkakasya ang oras para sa testimonya ni Duterte kapag nagsimula na ang oral arguments sa pinagtatalunang conviction-vote formula sa Miyerkules, sabi ni Tongol.

Na-serve na sa alkalde ang subpoena ad testificandum noong nakaraang linggo, personal na ibinigay sa kanyang opisina. Hindi na po naghihintay ng kumpirmasyon ang korte kapag natanggap na ang subpoena, giit ni Tongol; sapat na umano ang pagkaka-serve para inaasahan na siyang dumating sa itinakdang petsa. Ayon kay Tongol, sinabi ng House prosecution na siya ang unahing ipapresenta kapag nagsimula na ulit ang pagdinig sa linggo ng Setyembre 28, malamang sa unang araw nito.

Kasama rin sa subpoena para sa Setyembre 28 hanggang 30 si Atty. Gary Samonte, na tinukoy ni Tongol bilang back-secretariat officer ng PhilHealth Regional Office XI. Ipinatawag din sa ilalim ng subpoena para sa Setyembre 28 si Police Maj. Jerickson Sangalang, records chief ng Firearms and Explosives Office ng PNP.

Muling itutuloy ng korte ang pagdinig sa Martes, Setyembre 22, alas-10 ng umaga, sa cross-examination pa rin kay SEC Company Registration and Monitoring Department Director Gerardo del Rosario, bago ipresenta ang ikaapat na testigo ng prosekusyon na si Rendell Sopeña, Division Chief ng PhilGEPS sa ilalim ng Department of Budget and Management.

Sa testimonya ni Del Rosario, paliwanag ni Tongol na inulit ng testigo na ang sakop lamang ng SEC ay ang corporation law at Securities Regulation Code, hindi ang probisyon ng Konstitusyon na nagbabawal sa pangalawang pangulo na mag-negosyo.

Ayon pa kay Tongol, ang General Information Sheet o GIS ay ang corporate secretary ang naghahain sa SEC, hindi ang stockholder mismo, kaya posibleng hindi mismo nakita ng opisyal na nakalista sa GIS ang aktwal na isinumite. Sa tugon niya kina Sen. Raffy at Erwin Tulfo, sinabi ni Del Rosario na maaari niyang imungkahi sa SEC en banc na magkaroon ng patakaran para paalalahanan ang mga kilalang opisyal ng gobyerno tungkol sa posibleng paglabag, pero wala pa raw ganitong mekanismo sa kasalukuyan.

Nasa drafting stage pa rin ang desisyon ni Escudero sa show-cause order laban kina House prosecutor Rep. Terry Ridon at private prosecutor Jay Tolosa, ani Tongol.

Ayon sa kanya, dalawa ang posibleng mangyari: tatanggapin ng korte ang kanilang verified answer at walang ipapataw na sanksyon, o mase-cite sila sa indirect contempt sa ilalim ng Rule 18 sa sub judice at sa Agosto 26 ruling ni Escudero — reprimand sa unang paglabag, at P30,000 na multa, posibleng floor restriction, at referral sa Office of the Bar Confidant sa pangalawa. Nang tanungin kung ituturing bang isa o dalawang paglabag ang dalawang insidente ni Ridon, tumanggi si Tongol na unahan ang desisyon ni Escudero.

Hindi ang two-thirds na boto na nakatakda sa Konstitusyon ang pag-uusapan sa Miyerkules, giit ni Tongol. Ang baseline na gagamitin sa pagkuwenta ng bahaging iyon, aniya, ang usapin.

Sa ruling ni Escudero noong Hulyo 6, batay sa Bayan v. Zamora, 16 boto sa 24 miyembro ng korte ang itinakdang baseline.

Ayon kay Tongol, puwedeng unahin ng mga senator-judge ang pagboto kung ibabasura ang ruling na iyon; kung mananalo ang majority, susundan ito ng ikalawang boto para itakda ang bagong baseline at ang mga batayan sa pagbawas ng senator-judge mula sa 24.

Sinabi ni Tongol na maaari ring pagsamahin ng korte ang dalawang tanong sa iisang mosyon, na mangangailangan ng mas mahabang pagbubuo. Sinabi naman ni Sen. Panfilo Lacson na maaaring humingi ng dagdag na oras ang mga kasamahan pagkatapos ng mga argumento; giit pa rin ni Tongol na target ng korte na masettle ang usapin sa Miyerkules, bagama’t hindi ito garantisadong mangyayari sa araw na iyon.

Ayon kay Tongol, puwede ring baguhin ni Escudero, base sa Rule 145, Section 5G ng Rules of Court, ang kanyang sariling ruling nang hindi na dumaan sa botohan sa floor. Wala pa raw desisyon dito. Layunin ng maagang paglutas sa usapin, paliwanag niya, ay para may malinaw na isyung matitingnan ang Korte Suprema bago pa man ang final na boto sa conviction o acquittal.

Higit pa sa formula ang napag-usapan sa caucus ng mga senador noong Lunes, dagdag ni Tongol, kasama na kung magkakaroon nga ng botohan sa Miyerkules, isa o dalawang balota ito, at ang logistics sa floor.

Nang tanungin tungkol sa babala ni Sen. Alan Peter Cayetano na baka maging mistrial kung babaguhin ang patakaran sa boto habang nagtatrial pa, sagot ni Tongol na sinasagot ni Escudero ang mga manifestation sa floor, hindi ang mga sinasabi sa interview sa labas, maliban kung may pormal na mosyong ihahain.

Sa sinabi ng pangalawang pangulo na may mga senador daw na “hawak ng Malacañang,” walang partido pa raw na humiling na kumilos ang korte, ani Tongol.

Sinabi niya na ginawa ang pahayag sa isang interview sa labas ng Regional Trial Court ng Quezon City, hindi sa isang transcribed court proceeding, bagama’t naipaabot na raw ito sa presiding officer.

Tumanggi si Tongol na sabihin kung tinuturing ba ni Escudero na posibleng paglabag ito sa Rule 18 o sa kanyang Agosto 26 na utos, na sumasaklaw din sa respondent.

Mas mahigpit ang pananagutan ng mga abogado kaysa sa mga partido base sa jurisprudence ng Korte Suprema at sa Code of Professional Responsibility and Accountability, paliwanag ni Tongol.

Ang mga abogadong nag-try ng ebidensya sa loob ng korte ay hindi dapat na ulitin ito sa labas, aniya, bagama’t puwedeng pag-usapan ng mga spokesperson ang mga bagay na may public interest.