Aquino

Interes ng bayan dapat mauna kesa sariling kapakanan — Bam

337 Views

ALL of us are expendable in the course of freedom.”

Para kay Senador Paolo Benigno “Bam” Aquino, ang mga salitang ito mula sa kanyang tiyuhin, ang yumaong Senador Benigno “Ninoy” Aquino Jr., ay hindi lamang isang sipi sa kasaysayan — ito ay gabay sa kanyang paninindigan.

Sa gitna ng umiinit na labanan sa pulitika kaugnay ng impeachment laban kay Pangalawang Pangulo Sara Duterte, inilahad ni Aquino ang naturang pahayag sa isang panayam sa Headstart kasama si Karen Davila bilang paalala sa kanyang mga kapwa senador: ang tunay na paglilingkod sa bayan ay dapat manaig laban sa takot, pansariling interes, o kalkulasyong pampulitika.

“Lahat tayo, basta para sa bayan, lahat ng mga concerns natin, lahat ng mga problema natin, personal issues natin, pangalawa lang siya sa pangangailangan ng bayan,” aniya.

Para kay Aquino, malinaw ang mensahe: ang pagmamahal sa bayan ay nangangahulugang kailangang handang gumawa ng mahihirap at hindi palaging tanggap na desisyon — lalo na kung nakasalalay ang demokrasya at kapakanan ng sambayanan na dapat aniyang laging isa alang alang.

Ikinuwento rin ni Aquino ang isang makasaysayang halimbawa kung saan ay tumindig ang Senado laban sa kapangyarihan ng ehekutibo — kabilang ang panahon ng kanyang sariling pamilya, sa ilalim ni dating Pangulong Cory Aquino na kanyang tiyahin.

“Even nung time ni Tita Cory, the Senate stood up and decided against her wishes and kicked out the U.S. bases,” aniya, na tumutukoy sa desisyong ginawa noong 1991 para paalisin ang mga base militar ng Amerika sa bansa.

Iginiit ni Aquino na dapat panindigan ng Senado ang konstitusyonal nitong tungkulin sa pagdinig ng mga kasong impeachment, sa kabila ng naging desisyon ng Korte Suprema na nagsabing ang proseso laban kay Duterte ay “null and void ab initio.”

“Usually, pag nagsimula na yung proseso, yung jurisdiction already is acquired,” paliwanag niya.

Sa pagpapatibay ng kanyang paninindigang konstitusyonal, binigyang-diin ni Aquino na, “Pagdating sa matters of impeachment, the House and the Senate are the main groups in the Constitution na nagdideside dyan.”

Hinimok niya ang mga kapwa mambabatas na huwag magmadali sa pagbabasura ng kaso, lalo na’t naghain na ang Mababang Kapulungan ng mosyon para sa muling pagtalakay: “Baka pwedeng hintayin. Hintayin natin kung ano yung decision ng Supreme Court on the MR.”

Ang kanyang paninindigan ay taliwas sa posisyon ng karamihan sa majority bloc ng Senado. Gayunpaman, ipinabatid ni Aquino na hindi siya natitinag sa paglayo sa pulitikal na pagkakampi upang ipagtanggol ang integridad ng institusyon: “We’re all here to vote based on our own conscience.”

Ngunit higit sa lahat, nakaugat ang mensahe ni Aquino sa paniniwala ng kanyang tiyuhin — na ang bawat pulitiko ay kailangang maging handang isakripisyo ang sarili para sa ikabubuti ng bayan.

Sa pagpili na igiit ang kasarinlan ng Senado, sinabi ni Aquino na handa siyang harapin ang anumang kapalit nito sa pulitika. “All of us are expendable in the course of freedom,” muling sambit niya. “Kung hindi tayo maninindigan para sa konstitusyon at sa tama, paano pa tayo makapaglilingkod ng totoo?”

Inaasahang boboto ang Senado sa Miyerkules, Agosto 6, kung itutuloy pa ba o ibabasura na ang impeachment case. Para kay Aquino, mahalaga ang resulta — ngunit higit na mahalaga ang paninindigan sa prinsipyo.

Ani Sen. Bam: “Democracy only works when its institutions refuse to be silent. And patriotism, real patriotism, is not measured in alliances — it’s measured in courage.”