Calendar
Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong,
Batangas Rep. Leandro Leviste
Isyu sa ‘prangkisa’ ni Leviste, kung mapapatunayan, maaaring maituring na ‘ghost project’ — Adiong
ANG kontrobersiyang bumabalot sa umano’y mga isyu sa prangkisa at kontrata na kinasasangkutan ng isang renewable energy company na inuugnay kay Batangas Rep. Leandro Leviste ay dapat suriin nang higit pa sa usaping pampulitika, dahil ang pananagutan ay dapat manatiling sentro ng talakayan, ayon kay Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong.
Sinabi ni Adiong, na kasapi ng House committee on energy, kung mapatutunayang totoo ang mga alegasyon, nagbubukas ito ng seryosong mga tanong hinggil sa paggamit ng mga pribilehiyong ipinagkaloob ng pamahalaan.
Binalaan niya na ang pagtalikod sa mga obligasyon matapos makuha ang ganitong awtoridad ay maaaring maituring na kahalintulad ng isang “ghost project.”
“Pero sa akin, ’pag binenta mo ’yan dahil tatakasan mo lang, anong pinagkaiba niyan sa mga ghost projects na mayroong obligasyon ka na dapat gawin tapos tinakasan mo? So walang pinagkaiba,” pahayag ni Adiong, chairman ng House committee on suffrage and electoral reforms, sa Saturday Media Forum sa Dapo Restaurant sa Quezon City nitong weekend.
Binigyang-diin ni Adiong na ang kanyang mga pahayag ay nakabatay sa mga alegasyong lumabas sa mga ulat, at idinagdag na ang usapin ay sa huli ay nakasalalay sa beripikasyon, due process at pagtatatag ng mga katotohanan.
Sinabi rin ni Adiong na hindi pa niya nakukumpirma kung may naihain nang pormal na resolusyon sa Kamara upang magsagawa ng imbestigasyon, ngunit iginiit niyang sapat ang bigat ng isyu upang masusing busisiin ng mga mambabatas kapag muling nagbukas ang sesyon ng Kongreso, lalo na kung may kinalaman ito sa umano’y kabiguang tuparin ang mga pangakong kaakibat ng mga pag-aprubang ibinigay ng pamahalaan.
“I don’t know if there’s already a resolution that has been filed to investigate this case. So I think kailangan talaga natin masusing tingnan ito, itong issue na ito, covering the issue on Solar Philippines,” aniya.
Ang mga pahayag ng mambabatas ay ginawa matapos siyang tanungin hinggil sa mga panawagang masusing suriin ang prangkisang ipinagkaloob sa kumpanya, lalo na sa gitna ng mga alegasyong ito ay naibenta o nailipat kahit umano’y hindi pa natutupad ang ilang obligasyon, na nagbubunsod ng mga tanong tungkol sa pagsunod, pananagutan at transparency.
“Well, una-una… ang grant of franchise is not a right, it’s a privilege granted to the one that is being given this franchise. So ibig sabihin, it’s a state right… hindi mo pupuwedeng ibenta,” ani Adiong.
Ipinaliwanag ni Adiong na sa ilalim ng umiiral na mga probisyon, kinakailangang ipaalam muna sa Kongreso kung magkakaroon ng merger, transfer o bentahan ng controlling stocks ng isang mayhawak ng prangkisa.
Aniya, binabago ng ganitong hakbang ang identidad, pananagutan at kakayahan ng sinumang inaasahang magpapatakbo sa ilalim ng nasabing pribilehiyo.
“Actually, under sa batas, if there’s a merger or selling or transfer of any of the controlling stocks ng isang kumpanya na binigyan ng grant to operate under this franchise, it should first notify the House of Representatives. That’s very clear in the law. …So, violation po talaga ’yan sa batas,” wika ni Adiong.
Dagdag pa niya, bukod sa legal na rekisito, malinaw ang lohika: kapag nagbago ang pagmamay-ari at kontrol, may tungkulin ang Kongreso na muling suriin kung sino ang epektibong may hawak ng prangkisa, kung ang bagong estruktura ay umaayon pa rin sa layunin ng pagkakaloob nito, at kung napapanatili ang pananagutan.
“Kasi hindi po pupuwedeng ibigay kung ano pa ’yong pribilehiyo na ibinigay sa iyo. Kung ibebenta mo man ito ’yung stocks mo, controlling stocks mo, magme-merge ka, mag-iiba po ’yong definition kung sino ang dapat na bigyan ng prangkisang ito,” saad ni Adiong.
“So kailangan talaga kung sino ’yung may kapangyarihan na nagbigay sa iyo ng prangkisa, dapat ’yon po ay i-notify mo. At least man lang sabihan mo na there’s a plan to merge, to sell or whatever form you want your company to take on,” dagdag niya.
Binanggit din ni Adiong ang mga pangamba ng publiko hinggil sa umano’y mga hindi nabayarang obligasyon na may kaugnayan sa mga pangako ng kumpanya.
Ayon sa kanya, kung mapatutunayan ang mga ito, lalo lamang nitong pinatitibay ang pangangailangan ng lehislatibong pagsusuri, sapagkat ang mga prangkisa at service contract ay nakabatay sa performance, pagsunod sa mga alituntunin, at sa interes ng publiko.
“Kasi ang mga contractual obligations, financial obligations actually no’ng kanyang kumpanya, hindi nai-deliver. I think P24 billion that he (Leviste) needs to pay to the government,” sinabi ni Adiong.
“Ang sa amin lang po, this is a valid concern that I guess the House of Representatives should look into because there seems to be a corporate layering to obfuscate the issue at hand,” aniya pa.
Sinabi ni Adiong na ang complexity ng kaso — kabilang ang mga ulat tungkol sa mga subsidiary, merger at paglilipat na may kaugnayan sa operasyon ng kumpanya — ay lalo lamang nagpapahirap sa publiko na matukoy kung sino ang may pananagutan at mas nagpapadali sa pagkalabo ng mga obligasyon.
“Ang daming naging involved na mga subsidiary companies no’ng binigyan ng service contract itong renewable company na Solar Philippines kasi under doon sa Solar ng Bayan, nagkaroon ng mga subsidiary companies, nag-merge, nagbebenta… so we actually do not know what happened,” saad ni Adiong.
“But definitely while listening to [Energy] Secretary [Sharon] Garin parang mayroong corporate layering, I think to evade some kind of liability on the part of the company,” dagdag niya.
Ang Solar Para Sa Bayan Corp. (SPBC), isa sa mga kumpanyang nasa sektor ng enerhiya na inuugnay kay Leviste, ay nabigyan ng prangkisa ng Kongreso sa ilalim ng Republic Act No. 11357 noong 2019 upang magtayo, mag-install at magpatakbo ng mga solar-powered microgrid sa mga liblib at off-grid na komunidad.
Noong Biyernes, naghain si Leviste ng kasong civil libel laban kay Malacañang Press Officer Claire Castro, na inakusahan niyang nagpakalat ng maling pahayag na ilegal niyang ibinenta ang prangkisa ng SPBC.
Humihingi siya ng P100 milyon bilang moral damages, P10 milyon bilang exemplary damages, at P1 milyon bilang attorney’s fees.
Noong Martes naman, nagpataw ang Department of Energy (DOE) ng P24-bilyong multa laban sa Solar Philippines Power Project Holdings Inc. (SPPPHI), ang parent company ng solar business na inuugnay kay Leviste, dahil sa umano’y kabiguang makapagprodyus ng kuryenteng ipinangako sa ilalim ng mahigit 30 government service contracts.
Itinanggi ni Leviste ang paratang at sinabi niyang hindi umusad ang mga proyekto dahil hindi sila nabigyan ng permit to proceed.
Ayon pa kay Leviste, awtomatikong nabawi at nawalan ng bisa ang prangkisa ng SPBC noong 2022 matapos umanong hindi maglabas ng implementing rules ang DOE.
Idinagdag niya na ang kumpanyang kanyang ibinenta ay ang SP New Energy Corp. (SPNEC) — na wala umanong prangkisa — sa Manila Electric Co. (Meralco).

