Cebu

Biktima ng bagyo sa Cebu nakatanggap ng tig-P10K sa NHA

Jun I Legaspi Jan 18, 2026
295 Views

UMABOT sa P14,835,000 ang pinansyal na ayudang naipamahagi ng National Housing Authority (NHA) sa pamamagitan ng Emergency Housing Assistance Program (EHAP) para sa mga biktima ng bagyo sa Cebu kamakailan.

Sa patnubay ni NHA General Manager Joeben Tai, pinangasiwaan ni NHA Region 7 Regional Manager Engr. Hermes Jude Juntilo ang EHAP distribution sa Mayor Exasperanza S. Binghay Memorial Sports and Cultural Center sa Poblacion, Balamban, Cebu.

Ayon sa ahensya, 1,544 na benepisyaryo ang nakatanggap ng tig-P10,000 ayuda para gamitin sa repair ng kanilang bahay na nasira ng bagyo.

Sa kabuuang bilang, 1,144 pamilya ang nagmula sa Balamban at 400 ang mula sa Asturias.

Ang bilang ng mga benepisyaryo ay batay sa nasuring DSWD-Disaster Response Operations Management, Information and Communication (DROMIC) report.

Pinamunuan din ng NHA 7 kamakailan ang serye ng EHAP distribution sa mga biktima ng bagyong Odette noong Disyembre 2025 upang ma-asistehan ang 5,787 pamilyang naninirahan sa Carcar, Cebu.

Dumalo sa okasyon sina Cebu Gov. Pamela Baricuatro, Balamban Mayor Amos Edwin Cabahug at Asturias Mayor Dana Andrew Dumdum.

Tagumpay na pagsasagawa programa sa pinagsamang lakas at tulong ng mga empleyado ng NHA, Cebu People’s Action Center (CPAC) at mga local government units.

Ang EHAP ay isa sa mga programa ng NHA na sumusuporta sa mga pamilyang nasiraan o nawalan ng mga tahanan dahil sa mga natural at man-made na sakuna.

Magsasagawa pa ng ilan pang EHAP payouts ang NHA sa mga susunod na buwan.