Calendar
Dating DPWH sec Bonoan balik-Pinas na
KINUMPIRMA ng Bureau of Immigration (BI) na bumalik na sa Pilipinas ang nagtagong dating kalihim ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na si Manuel Bonoan noong Linggo.
Ayon sa BI, sakay ng China Airlines flight CI0701 mula Taipei si Bonoan na lumapag sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Linggo ng umaga.
Nasa Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO) ang nagtagong dating DPWH secretary alinsunod sa utos ng Department of Justice (DOJ).
Nalagay sa ILBO si Bonoan kaugnay ng imbestigasyon sa umano’y mga anomalya sa flood control at tinaguriang mga “ghost” projects.
Batay sa rekord, umalis si Bonoan sa bansa noong 2025 upang samahan ang kanyang asawa sa Estados Unidos para magpagamot.
Binigyang-diin ng BI na ang pagpapalabas ng ILBO ay isang hakbang upang matiyak na agad na ipaalam sa mga awtoridad ang pagdating o pag-alis ng mga taong may kaugnayan sa mga imbestigasyong isinasagawa.

