PCSO

Robredo pinuri sa PCSO sa tulong na walang pulitika

Edd Reyes Sep 18, 2026
18 Views

PCSO1NAGKALOOB ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ng mga diagnostic equipment na aabot sa halagang P25.1 milyon sa Naga City General Hospital upang matulungan ang pasilidad na maging karapat-dapat sa Level 2 accreditation ng Department of Health (DOH) araw ng Huwebes.

Kabilang sa mga ipinagkaloob ng PCSO sa ilalim ng kanilang Medical Equipment Donation Program (MEDP) ang isang digital stationary X-ray machine, isang ultrasound machine, at isang 2D echocardiogram machine na magdadala ng karagdagang suporta sa pangangalaga sa kalusugan ng mga residente ng Naga City.

Inilarawan naman ni Naga City Mayor Maria Leonor “Leni” Robredo ang PCSO na ahensiyang mapagkukuhanan ng tulong ng mga Filipino na humaharap sa napakataas na gastusin sa pagpapagamot.

Pinuri rin ni Robredo ang PCSO sa pagkakaloob ng tulong ng walang kulay pulitika at kahit sino aniya ang lumapit ay kanilang tinutulungan. “Mas makakapag-respond na po kami nang mas mabilis. Mas marami kaming maaasikasong pasyente na nangangailangan ng mga equipment na ito, at hindi na nila kailangang pumunta sa private hospitals,” dugtong pa ng alkalde.

Sinabi naman ni PCSO General Manager Melquiades A. Robles na ang ipinagkakaloob nila ng tulong ay sumasalamin lamang sa pangunahing layunin ng ahensiya na maibalik sa mga Filipino ang kinikita ng kanilang gaming products sa anyo ng medikal at pangkawanggawang tulong.

“Every time we turn over medical equipment like these, it reminds us of the reason why we exist: not simply to raise funds through Lotto and STL, but to make sure that every peso finds its way back to the Filipino people who need it. Kailangan po natin ang mga equipment na ito para hindi na pumunta sa malayo ang ating mga kababayan,” pahayag ni Robles.

Ang donasyon aniya ay suporta sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na dalhin ang serbisyong pangkalusugan ng mas malapit sa taumbayan na humaharap sa mga hadlang sa pananalapi. “Sa PCSO, hindi po kami uurong sa pagtulong,” sabi pa ni Robles.