Calendar
Refund na inaprubahan ng ERC hanggang Agosto umabot ng P71.3B
UMABOT na sa ₱71.3 bilyon ang refund na inaprubahan ng Energy Regulatory Commission (ERC) hanggang Agosto 2026 — ₱69.95 bilyon nito ay mula sa Manila Electric Company (Meralco) — ayon sa datos ng ERC na inilahad sa budget briefing ng Senate Finance Subcommittee C para sa Department of Energy (DOE) at ERC noong Setyembre 17.
Pinangasiwaan ni Senador Pia Cayetano ang hearing. Dumalo sina Senate President Sherwin Gatchalian, Majority Leader Migz Zubiri, Energy Committee Chair Erwin Tulfo, at Finance Committee Chair JV Ejercito. Humarap sina DOE Secretary Sharon Garin at ERC Chairperson Atty. Francis Saturnino Juan.
Ayon sa presentasyon ng DOE, hiniling nito ang ₱5.58 bilyon para sa 2027 — ₱1.14 bilyon o 25.7 porsiyentong taas mula sa ₱4.43-bilyong badyet nito ngayong 2026. Unang beses mula 2022, ani Cayetano, na mas mababa ang bagong appropriations kaysa sa automatic appropriations ng ahensya. Ang 63.6 porsiyento ng badyet ay mula sa Special Account in the General Fund, malaki ang ambag ng koleksyon mula sa Malampaya.
Kabaligtaran naman ang badyet ng ERC ayon sa sarili nitong presentasyon: ₱944 milyon lang ang National Expenditure Program (NEP) nito mula sa hiniling na ₱1.7 bilyon — humigit-kumulang 44.67 porsiyentong bawas sa MOOE at capital outlay. Hiniling ni Garin na unahin ang ₱728 milyon para sa ERC.
Tinanong ni Gatchalian kung matalino ang ₱8-bilyong plano ng Philippine National Oil Company (PNOC) na magtayo ng 1-million-barrel na storage facility sa Bataan. “Ang consumption natin… So we’re just talking about 2 days, 3 days. Is that a wise decision?” tanong niya.
Simula pa lang ito, ani Garin. “P1 million is only five days. But we can scale it up over time,” dagdag niya.
Sa isang Group A rate reset ng ERC — ang regular na pagre-repaso sa kita at gastos ng isang power distributor para itakda ang bagong singil — bumaba ang weighted average cost of capital (WACC) mula 14.57 porsiyento patungong 13.79 porsiyento. “Dapat single digit na yan,” sabi ni Gatchalian.
Ibinaba na ng ERC sa 100 kilowatt ang contestability threshold — ang antas ng konsumo kung saan puwede nang pumili ng sariling power supplier ang isang customer. Ayon kay Atty. Juan, posible pang ibaba ito sa 50 kilowatt bago matapos ang 2027.
Wala pa ring naitatalagang commissioner ang Philippine Atomic Energy Regulatory Authority (PhilAtom), ayon kay Garin.
Isinumite sa plenaryo ang badyet ng DOE at ERC, sasailalim sa karagdagang tanong ng ibang senador.

