Calendar
Dasmariñas City Rep. Francisco “Kiko” Barzaga
Maaaring palawigin ang suspensiyon ni Barzaga sa Kamara dahil sa ikalawang reklamo sa ethics
MAAARING mapalawig ang suspensiyon ni Dasmariñas City Rep. Francisco “Kiko” Barzaga bilang miyembro ng Mababang Kapulungan ng Kongreso lampas sa orihinal na petsa ng pagtatapos nito, kung maisasampa ang ikalawang reklamo sa ethics na sumasaklaw sa mga kilos na ginawa niya matapos ang unang suspensiyon.
“The suspension will be until, if I’m not mistaken, the first week of February… But I think since na-serve na niya ito, it would necessitate another complaint, kasi na-serve na. Ito ’yong punishment do’n sa earlier niyang actions eh,” sinabi ni Tingog Party-list Rep. Jude Acidre, chairman ng House committee on higher and technical education, sa Saturday News Forum sa Dapo Restaurant sa Quezon City nitong weekend.
Ipinaliwanag ni Acidre na ang kasalukuyang parusang ipinapatupad kay Barzaga ay kaugnay ng mga nauna nitong aksyon, ngunit binigyang-diin na ang mga nangyari matapos ipataw ang parusa ay maaaring maging hiwalay na usapin na kailangang harapin ng Kamara sa pamamagitan ng bagong reklamo.
Dagdag pa niya, nananatiling bukas ang posibilidad na suriin ng Kamara ang mga sumunod na asal ni Barzaga bilang panibagong posibleng paglabag, na maaaring magbigay-katwiran sa panibagong pagdinig at sa pagpapalawig ng panahon ng kanyang pagkakasuspinde sa plenaryo.
“Unless there’s a new ethics complaint again that would fall (sa alinmang paglabag). But definitely, ’yong ginawa niya after na-impose ’yong una niyang suspension, will be taken into consideration should a second ethics complaint be filed,” saad ni Acidre.
Lumutang ang posibilidad ng ikalawang reklamo matapos hayagang itulak ni Deputy Speaker Ronaldo Puno, chairman ng National Unity Party (NUP) mula Antipolo City, ang mas mabigat na aksiyon laban kay Barzaga, kabilang ang pagtatangkang mapatalsik siya sa Kamara.
Iginiit ni Puno na ang patuloy na mga pahayag ni Barzaga sa publiko at sa social media ay nagpalala sa alitan, at nagbabala na ang suspendidong mambabatas ay maaaring humarap sa maraming kaso sa labas ng Kongreso, kabilang ang “over 40 libel complaints” na kaugnay ng kanyang mga paratang laban sa kapuwa mambabatas.
Binanggit din ang mga pahayag ni Barzaga na umano’y may mga mambabatas na sinuhulan ng negosyanteng si Enrique Razon, at sinabi ng partido na balak din nitong isama sa anumang bagong aksiyon ang kontrobersiyal na post ng mambabatas ng Cavite na kinasangkutan ng yumaong Antipolo Rep. Romeo Acop.
Ayon kay Acidre, may narinig siyang naghahanda nang kumilos ang mga lider ng NUP, at ang pinakahuling pag-aalboroto mula kay Barzaga ay maaaring magdulot ng mga kahihinatnang lampas pa sa isang internal disciplinary case.
“I’ve heard yesterday that they have the intention of filing kasi ’yong last niyang sinabi ‘see you in court,’ may be more than just an ethics complaint, also possible legal action against suspended congressman Kiko Barzaga,” ani Acidre.

