LTFRB

LTFRB suportado Maharlika highway rehab

Jun I Legaspi Jan 18, 2026
191 Views

BUO ang suporta ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa rehabilitasyon ng Maharlika highway para maibsan ang daloy ng pampublikong transportasyon ng milyun-milyong Pilipino.

Ayon kay LTFRB Chairperson Atty. Vigor D. Mendoza II, nagpasalamat ang mga transport groups sa prayoridad na ibinigay ng national government para ma-rehab ang highway.

Sinabi ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon na humigit-kumulang P16 bilyon ang inilaan para sa rehabilitasyon ng Maharlika highway ngayong 2026.

Prayoridad ang rehab ng highway dahil ang naturang highway ang nagkokonekta sa south at north Luzon.

Nagsagawa ng inspeksyon noong Enero 16-17 upang tukuyin ang mga bahagi ng kalsada na nangangailangan ng agarang pagkukumpuni.

Sa loob ng maraming taon, tiniis ng mga provincial at bus operators ang hindi maayos na kondisyon ng kalsada—kabilang ang mga baku-bakong daan, lubak, lugar na madaling bahain at matinding pagsisikip ng trapiko—na nagdulot ng mas mahabang biyahe, mas mataas na gastos sa gasolina at maintenance at madalas na pagkaantala ng serbisyo.

“Mahalaga ang rehabilitasyon ng Maharlika Highway para sa kaligtasan ng mga pasahero at drayber,” dagdag ni Mendoza.

Mas maayos na imprastraktura ng kalsada ay makatutulong sa pagpapatatag ng operasyon ng pampublikong transportasyon, pagpapahusay ng pagiging maaasahan ng serbisyo at pagsuporta sa mga gawaing pang-ekonomiya ng mga probinsyang nakadepende sa mahusay na transportasyong panlupa, ayon sa opisyal.