Calendar
Itinatanggi ng Palasyo ang espesyal na pagtrato kay Romualdez sa kulungan sa QC
NOONG Miyerkules, tinanggihan ng Malacañang ang mga pahayag na tumatanggap ng espesyal na pagtrato ang dating Speaker ng Kamara na si Martin Romualdez sa New Quezon City Jail sa Payatas.
Sa isang press briefing, nagpahayag ng pagkadismaya si Palace Press Officer Claire Castro sa pagkalat ng maling impormasyon tungkol sa pagkakakulong ni Romualdez, at sinabing maaaring pahinain ng mga naturang pahayag ang mga ahensiya ng gobyerno na gumaganap sa kanilang mga tungkulin.
“Sa mga maaaring nagpapakalat ng maling impormasyon, ano po ba ang inyong nais? Anong motibo? Ang motibo dito ay sirain ang gobyerno, sirain ang mga ahensiyang tumutupad sa kanilang tungkulin,” sabi ni Castro.
Inilabas ni Castro ang pahayag kasunod ng mga alegasyong kumakalat sa social media na pinutol ang suplay ng kuryente sa New Quezon City Jail Male Dormitory upang hindi gumana ang mga closed-circuit television (CCTV) camera, na diumano’y magbibigay-daan kay Romualdez na makalabas sa pasilidad nang hindi namamalayan sakay ng isang ambulansiya.
Sinabi niya na nakakonekta ang CCTV system ng pasilidad ng detensiyon sa Bureau of Jail Management and Penology (BIMP), na nagbibigay-daan sa mga awtoridad na subaybayan ang mga galaw sa loob ng kulungan.
Ayon kay Castro, ipinakita sa paunang pagsusuri ng BIMP sa mga CCTV footage na walang pagkaantala sa suplay ng kuryente sa pasilidad sa nakalipas na buwan.
Idinagdag niya na ang huling naitalang paggalaw na kinasasangkutan ni Romualdez ay ang pag-alis niya sa pasilidad upang dumalo sa isang pagdinig sa korte noong Okt. 12.
“Ipinakita sa paunang beripikasyon ng CCTV ng pambansang punong-tanggapan ng BIMP na walang naitalang pagkaantala sa kuryente o CCTV sa Quezon City Jail Male Dormitory at walang naitalang paggalaw ni Rep. Martin Romualdez palabas ng pasilidad sa panahong sinuri ” sabi ni Castro, na sinipi ang isang pahayag ng BIMP.
Idinagdag niya na seryosong tinutugunan ng BIMP ang mga alegasyon at naglunsad ito ng imbestigasyon noong Nob.3.
Sinabi rin ni Castro na muling iginiit ng BJMP na ang lahat ng taong pinagkaitan ng kalayaan ay saklaw ng parehong mga tuntunin sa kustodiya at na nangangailangan ng wastong utos ng korte ang anumang paggalaw palabas ng pasilidad ng detensiyon.
“Tinatanggap namin ang mga kaugnay na impormasyon mula sa publiko at nakikipagtulungan kami sa anumang imbestigasyon ng iba pang ahensiya ng gobyerno. Tinitiyak ng BIMP sa publiko ang pangako nito sa propesyonalismo, transparency at pantay na pagtrato sa lahat ng PDL nang walang pagtatangi at pribilehiyo, ” sabi ni Castro.
Hinamon din ni Castro ang mga nag-aakusa ng pabor na pagtrato na bumisita sa BIMP at suriin ang mga CCTV footage upang mapatunayan ang kanilang mga pahayag. Ruth Abbey Gita-Carlos/PNA

