Tulfo

Japan hinilingan ni Sen. Erwin Tulfo ng zero taripa sa PH-heated tobacco, agri produkto

156 Views

HINILING ni Senador Erwin Tulfo sa pamahalaan ng Japan na alisin ang taripa sa mga heated tobacco product (HTP), prutas at iba pang produktong agrikultural na gawa sa Pilipinas.

Ipinanukala ito ni Tulfo, vice chairperson ng Senate Committee on Foreign Relations, kasama si Senador Francis “Kiko” Pangilinan, chairman ng Senate Committee on Agriculture, Food and Agrarian Reform.

Ginawa nila ito sa parliamentary visit ng mga senador ng Pilipinas sa Senado ng Japan o House of Councillors, bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-70 anibersaryo ng pagkakaibigan ng Pilipinas at Japan.

Ang HTP ay produktong tabako na pinaiinit sa halip na sinisindihan.

“With the emergence of new products from the Philippine tobacco industry and the increasing demand for them in Japan, we are respectfully asking the Japanese government to consider our proposal to exempt Philippine-made HTPs from tariffs,” ani Tulfo.

Ayon kay Tulfo, layon ng panukala na palakasin pa ang Philippines-Japan Economic Partnership Agreement (PJEPA), ang kasunduang pangkalakalan na nagkabisa noong 2008 at naglalayong alisin o bawasan ang taripa sa mahigit 90 porsiyento ng mga produktong ipinagpapalitan ng dalawang bansa.

Sinabi ng senador na hindi pa saklaw ng kasunduan ang HTP at iba pang produktong agrikultural nang ito ay pag-usapan. Dahil dito, hinimok niya ang Japan na gawing zero ang taripa sa HTP na gawa sa Pilipinas upang magkaroon ito ng patas na laban sa mga kahalintulad na produkto mula sa European Union.

“This will not only ensure a steady supply to our Asian neighbors but will also strengthen the Philippine manufacturing, agriculture, and export industries, ultimately boosting the country’s economy and generate jobs,” dagdag ni Tulfo.

Kasama ni Erwin Tulfo sa delegasyon sina Senate President Sherwin Gatchalian, Majority Floor Leader Juan Miguel “Migz” Zubiri, at mga Senador Manuel “Lito” Lapid, Raffy Tulfo, Joseph Victor “JV” Ejercito at Pangilinan.

Sa unang araw ng pagbisita, nag-courtesy call ang delegasyon kina Prime Minister Takaichi Sanae, dating Prime Minister Kishida Fumio, Japanese Senate President Sekiguchi Masakazu at iba pang senador ng Japan, gayundin kay House of Representatives Speaker Mori Eisuke.

Kabilang din sa pagbisita ang mga pulong sa Sasakawa Peace Foundation, Japan-ASEAN Inter-Parliamentary Exchange Group, Japan International Cooperation Agency at Japan-Philippines Parliamentary Friendship League.

Noong Setyembre 16, 2026, bumisita naman sa Senado ng Pilipinas sa Pasay City ang mga senador ng Japan sa pangunguna ni Japanese Senate Vice President Fukuyama Tetsuro.