Kamara

KAMARA, INAPRUBAHAN PAGPAPABABA NG RETIREMENT AGE NG MGA KAWANI NG GOBYERNO MULA 60 SA 56

86 Views

SA botong 209 pabor, walang tumutol at isa ang nag-abstain, inaprubahan ng House of Representatives nitong Martes ang isang panukalang batas na naglalayong ibaba mula 60 hanggang 56 na taon ang edad ng pagreretiro ng mga kawani ng pamahalaan.

Alinsunod sa direktiba ni Speaker Faustino “Bojie” G. Dy, binigyang-prayoridad ni Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” A. Marcos ang pag-apruba sa plenaryo ng House Bill (HB) No. 10995.

Kabilang sa mga may-akda ng panukalang batas sina Speaker Dy, Majority Leader Marcos, Reps. Joel Chua, Terry L. Ridon, PM Vargas, Mark Enverga, Chel Diokno, Miguel Luis Villafuerte, Luigi Villafuerte, JB Bernos, Adrian Salceda, Jose Joboy Aquino II, Kaka Bag-ao, Perci Cendaña, Dadah Kiram Ismula, Antonio Tinio, Renee Louise M. Co, Eric Olivarez, Bryan B. Revilla, Ramon Jolo B. Revilla III, Lani Mercado Revilla, Elisa Kho, Antonio Kho, Hori Horibata, Aniela Bianca Tolentino, Christopherson Yap, Bernadette Escudero, Nelson Legacion, Ann Matibag, Rolando Macasaet, Ramil Hernandez, Ricardo Cruz Jr., King Collantes, Sonny Lagon, Augustina Dominique Pancho, Elijah Rombaoa San Fernando, Jesus Marquez, Emigdio Tanjuatco III, Rhea Mae Gullas, Maria Vanessa Aumentado, Angelo Marcos Barba, Dennis Hernandez, Ralph Wendel Tulfo, Maria Cristina Angeles, Jam Baronda, Reynolds Michael Tan, John Tracy Cagas at Maria Rachel Arenas.

Sa ilalim ng panukalang batas, ibababa mula 60 tungong 56 na taon ang opsiyonal na edad ng pagreretiro ng mga opisyal at empleyado ng pamahalaan.

Aamyendahan ng panukalang batas ang Section 13-A ng Republic Act No. 8291, na kilala rin bilang “The Government Service Insurance Act of 1997.”

Nakasaad sa nasabing seksiyon ang mga “kondisyon para maging kwalipikado” ang isang miyembro ng Government Service Insurance System (GSIS) na magretiro sa serbisyo.

Sa ilalim ng panukalang amyenda, ang mga kondisyong ito ay ang sumusunod: ang miyembro ay dapat hindi bababa sa 56 na taong gulang, nakapagsilbi nang hindi bababa sa 15 taon, at hindi tumatanggap ng buwanang pensiyon dahil sa permanenteng ganap na kapansanan.

Matatanggap ng magreretirong miyembro ang kanyang mga benepisyo sa pagreretiro mula sa GSIS.

Ayon sa mga may-akda ng HB 10995, bibigyan ng panukalang batas ang mga kwalipikadong kawani mula sa mahigit isang milyong manggagawa sa burukrasya ng pamahalaan ng opsiyong maagang magretiro.

Sinabi nila na sa pamamagitan ng maagang pagreretiro, magkakaroon ang mga kawani ng mas maraming taon upang makasama at masiyahan sa buhay kasama ang kanilang mga mahal sa buhay, gamit ang kanilang mga benepisyo sa pagreretiro at naipong ipon.

Magbibigay rin umano ito sa kanila ng pagkakataong pagtuunan ang iba pa nilang mga hilig o pasukin ang ibang larangan ng trabaho.

Kasabay nito, lilikha rin ito ng mga oportunidad para sa mga nakababatang kawani na mangarap at magsikap na makakuha ng permanenteng posisyon o mas mataas na tungkulin sa pamahalaan.

Ang panukalang opsiyonal na edad ng maagang pagreretiro sa burukrasya ay naaayon din sa umiiral na edad ng pagreretiro sa militar na 57 taon at sa Philippine National Police (PNP) na 56 taon para sa mga unipormadong tauhan nito.

Sinabi ng mga may-akda ng panukalang batas na umaasa silang bibigyang-prayoridad din ng Senado ang panukalang batas na inaprubahan na ng Kamara.