Dy2

Kamara, inaprubahan sa 3rd pagbasa panukalang pinag-isang flood control master plan sa Metro Manila

Mar Rodriguez Nov 25, 2026
77 Views

Rep.-Sandro-MarcosINAPRUBAHAN ng Kamara de Representantes sa ikatlo at huling pagbasa ang isang mahalagang panukalang batas na naglalayong pag-isahin at pagtibayin ang mga programa laban sa pagbaha sa Metro Manila sa pamamagitan ng isang komprehensibo, siyentipiko at angkop sa pagbabago ng klima na master plan.

Nakakuha ng 212 boto ang House Bill No. 11602 o ang panukalang Metro Manila Flood Control and Drainage System Management Act sa botohan sa plenaryo nitong Martes, Nobyembre 24.

Sa direktiba ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III, pinangunahan ni Majority Leader at Ilocos Norte Rep. Ferdinand Alexander “Sandro” A. Marcos ang pagsusulong ng panukala hanggang sa maaprubahan ito sa huling pagbasa.

Sinabi ni Marcos na layunin ng panukalang batas na tiyaking magkakaugnay at maayos ang koordinasyon ng mga proyektong flood control sa buong Metro Manila upang maiwasan ang sitwasyong ang pagsasaayos ng pagbaha sa isang lugar ay nagiging sanhi naman ng pagbaha sa ibang komunidad.

Sa ilalim ng panukala, bubuuin ang isang pinag-isang master plan na mag-uugnay sa mga sistema ng flood control at drainage ng lahat ng 17 lokal na pamahalaan sa National Capital Region (NCR).

ipinaliwanag din ng kongresista na Inaatasan ang mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan at mga lokal na pamahalaan na sama-samang bumuo ng naturang master plan sa loob ng 60 araw mula sa pagkakabisa ng panukalang batas.

Itinatakda rin ng panukala, sabi pa ni Marcos, ang paglikha ng Integrated Flood Control and Drainage System Management Authority na pamumunuan ng chairperson ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), katuwang ang kalihim ng Department of Public Works and Highways (DPWH) bilang co-chairperson.

Pangunahing tungkulin ng MMDA ang pangangasiwa sa master plan at pagtiyak ng koordinasyon sa pagitan ng mga ahensiya at lokal na pamahalaan.

Samantala, mangunguna naman ang DPWH sa pagpaplano, pagdidisenyo at pagpapatupad ng mga proyektong pang-imprastraktura at engineering na may kaugnayan sa pagkontrol ng baha.

Kabilang sa mga pangunahing bahagi ng master plan ang komprehensibong pagmamapa ng mga daluyan ng tubig, drainage system at mga lugar na madalas bahain. Magtatakda rin ito ng pare-parehong pamantayan sa engineering at uunahin ang mga proyektong nakabatay sa antas ng panganib, koneksiyon ng mga lugar at dami ng populasyon.

Isusulong din ang mga solusyong nakabatay sa kalikasan, tulad ng pagtatayo ng urban wetlands, mga imbakan ng tubig-ulan, green corridors, mga kalsadang dinadaluyan ng tubig at pangangalaga sa mga watershed sa matataas na bahagi ng mga lugar.

Bilang bahagi ng pagsusulong ng transparency at accountability, inaatasan din ng panukala ang pagsasagawa ng taunang technical audit at pagsasapubliko ng mga plano, progreso ng proyekto, inilaan na badyet at aktuwal na implementasyon.

Magtatatag din ng Joint Congressional Oversight Committee na susubaybay sa pagpapatupad ng master plan at paggamit ng pondo ng bayan.

Ayon kay Marcos, tinitiyak din ng panukala ang tuloy-tuloy na pondo sa pamamagitan ng taunang General Appropriations Act (GAA) at multi-year funding upang hindi maputol ang mga programa ng pamahalaan laban sa matagal nang problema sa pagbaha sa Metro Manila.

Kabilang sa mga pangunahing may-akda ng panukala ang mga kongresistang sina Ernesto Dionisio Jr., Ma. Victoria Co-Pilar, Giselle Mary Maceda, Jefferson Khonghun, Leila de Lima, Miro Quimbo, Ivan Howard Guintu, Jesus “Bong” Suntay, Dean Asistio, Rolando Valeriano, Ricardo Cruz Jr., Antonino Calixto at Gerald Cloyd Alexis Galang.

Kasama rin sa mga may-akda sina Marcelino “Marcy” Teodoro, Roman Romulo, Monique Yazmin Maria Lagdameo, Dennis “Alden” Almario, Mark Anthony Santos, Lani Mercado-Revilla, Jaime Fresnedi, Franz Pumaren, Antolin Oreta III, Jorge Daniel Bocobo, Edgar Erice, Ronaldo Puno at Eleanor Bulut-Begtang.

Inaasahang magiging mahalagang hakbang ang panukalang ito upang magkaroon ng mas organisado, magkakaugnay at pangmatagalang solusyon sa problema ng pagbaha sa Metro Manila.