Agri

Kapit-bisig vs agri smuggling hiniling

230 Views

NANAWAGAAN si Senador Francis “Kiko” Pangilinan ng mas maigting na kampanya laban sa agricultural smuggling kasabay ng kanyang panibagong panawagan para sa reporma sa Bureau of Customs. Iginiit niyang nakataya rito ang kabuhayan ng mga magsasaka at ang seguridad sa pagkain ng bansa.

Kinatigan ni Pangilinan ang mga hakbang na ipinatutupad ni Customs Commissioner Ariel Nepomuceno, at binigyang-diin ang pangangailangang magkaisa ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan upang malabanan ang talamak na smuggling ng mga produktong agrikultural.

“A single sack of smuggled rice is a direct blow to a Filipino farmer. Every shipment that slips through is stolen income, stolen dignity,” giit ng senador.

Tinukoy niya ang smuggling hindi lamang bilang simpleng pagnanakaw kundi bilang isang “pagtraydor sa mga magsasaka, mangingisda, at kinabukasan ng bansa.” Ayon sa kanya, “Smuggling is not just theft. It’s betrayal—of our farmers, our fisherfolk, and our future.”

Bilang bahagi ng solusyon, iminungkahi ni Pangilinan ang pagpapalawak sa mandato ng Inter-Agency Task Force upang mas mapalakas ang ugnayan sa pagitan ng mga ahensyang lumalaban sa smuggling.

Iminungkahi rin niyang maglatag ang gobyerno ng ligtas at kumpidensyal na mga mekanismo upang makapagsumbong ang mga magsasaka at tindero nang walang pangambang gantihan sila.

Nanawagan din ang senador ng mabilis na pagresolba sa mga kasong kinasasangkutan ng mga tauhan ng Customs at mga trader na hinihinalang sangkot sa smuggling. Bukod dito, iginiit niyang dapat paigtingin ang pagpapatupad ng Sagip Saka Act, na layuning tulungan ang mga lokal na prodyuser na makadiretso sa merkado nang hindi na dumaraan sa mapagsamantalang middlemen.

“This is not just about enforcement. It’s about defending the hands that feed us. Smuggling doesn’t just rob our economy—it robs every Filipino who grows, harvests, and brings food to our tables,” pahayag ni Pangilinan.

Bilang dating Presidential Assistant for Food Security at dating Chair ng Senate Agriculture Committee, ipinaalala ni Pangilinan ang naging tagumpay ng mga nagdaang hakbang na tumulong pababain ang rice inflation mula 15% tungong 0.8%, at ang kabuuang inflation sa 1.5%—ang pinakamababa umano sa loob ng dalawampung taon.

Aniya, “Food security is national security. And until we clean up Customs and crack down on smugglers, we leave our farmers—and our country—unprotected.”