Edd Reyes

Kapulisan dedma sa maingay na tambutso

Edd Reyes Jan 7, 2026
211 Views

NANG iutos ni Manila Mayor Isko Moreno ang mahigpit na pagbabawal sa maiingay na tambutso ng motorsiklo, kabi-kabila ang ginawang aksiyon ng kapulisan kaya tumahimik pansamantala ang mga lansangan sa lungsod.

May umiiral kasing Ordinance No. 8772 sa Maynila na nagtatakda lang sa 99 decibels ang ingay ng mga tambutso pero marami ang nagpapa-modified nito para lumikha ng sobrang ingay na nakakabulahaw sa mga paaralan, ospital, at kabahayan lalu na sa hatinggabi.

Pero tila naging ningas-kugon lang ang crackdown ng kapulisan dahil marami na naman mga rider sa Maynila ang nagpapaligsahan pa sa ingay ng kanilang tambutso.

Kadalasan pa nga, mismong sa harap ng Manila Police Station-7 sa Jose Abad Santos dumadaan ang maiingay na tambutso ng motorsiklo pero dedma lang dito sa kapulisan.

Marami kasing motorshop sa Caloocan City ang pinupuntahan ng mga may-ari ng motorsiklo para dito magpakabit ng maingay na tambutso dahil bilang “Motorcycle Trading Capital of the Philippines”. hindi ipinagbabawal dito kahit anong lakas ng ingay ng tambutso.

At para makarating sa Caloocan, kailangang dumaan sila sa Rizal Avenue o sa kahabaan ng Jose Abad Santos kaya kung gusto lang talagang manghuli muli ng kapulisan, marami silang masasakote na mga motorsiklong naka -modified na tambutso sa naturang mga lansangan.

Ilang amusement rides sa Central Luzon, inaarkila lang

TAPOS na ang holiday season pero tuloy pa rin ang operasyon ng mga mini carnival sa maraming lalawigan kahit pa nga ilang amusement rides na ang napaulat na nagka-aberya na nagresulta sa pagkakasugat ng mga sakay.

Marami kasi sa mga operators ang inaarkila lang ang inilalagay nilang amusement rides dahil hindi naman dito sila kumikita kundi sa mga color games, drop balls, at iba pang uri ng game of chance na salapi ang ipinupusta. Sa madaling salita, sa ilegal na sugal sila kumikita.

Dito lang sa Central Luzon, apat sa pitong lalawigan, kabilang ang Bulacan, Pampanga, Tarlac, at Zambales ang patuloy sa ilegal na operasyon sa loob ng kanilang mini-carnival na pino-proteksiyunan ng apat na tolongges na ang bawa’t isa ay nagpapakilalang kinatawan mula sa Camp Crame, sa Police Regional Office 3, sa CIDG, at ang isa ay ginagamit pa ang tanggapan ng Games and Amusement Board.

Sa lalawigan lang ng Bulacan, aminado ang mga operator na itinago sa alyas na “Malou”, “Eddie” “Quiro” at “Egay” na may tara sila para sa apat na tolongges kaya tuloy ang kanilang operasyon sa Calumpit, Hagonoy, Sta Maria, at Marilao habang mayroon din si alyas Quiro sa Bayan ng Victoria at alyas “Eugene sa Brgy Salapungan sa Tarlac.

Pinakamarami naman ang iniikutan ng mga tolongges sa lalawigan na Zambales, kabilang ang Alaminos, Bayan ng Dasol, Bayan ng Infanta, Santa Cruz, Masinloc, Brgy. Liozon sa Palauig, Botolan, Cabangan, palengke ng San Narciso, Bayan ng San Antonio, Castillejos at maging sa Olongapo.

Nakopo rin nila ang mga ilegalista sa Minalin, Floridablanca, San Fernando, Sto Tomas, at Bayan ng Dau sa Pampanga na pinangangasiwaan ng mga nagpapakilala sa alyas “Dante”, “Kevin”, “Ellias”, “Jun”, at “Normita”.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com