Calendar
Karagdagang tauhan itinalaga ng BI sa mga paliparan
INANUNSYO ng Bureau of Immigration (BI) na ito ay naka-full force sa lahat ng paliparang internasyonal sa buong bansa ngayong darating na Undas, kasabay ng inaasahang dagsa ng mga biyahero na sasamantalahin ang mahabang weekend.
Dahil idineklara ang Oktubre 31 bilang isang special non-working holiday, inaasahan ng BI ang pagdami ng mga pasahero sa mga pangunahing paliparan simula Biyernes hanggang sa susunod na linggo. Tiniyak ng ahensya na lahat ng immigration counters ay may nakatalagang tauhan upang masiguro ang maayos na pagproseso ng mga dumarating at umaalis na pasahero.
Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, nagtalaga na ang ahensya ng karagdagang mga tauhan at nagpapatupad ng mga hakbang upang mapanatili ang episyenteng daloy ng mga pasahero sa kabila ng inaasahang pagdami ng mga biyahero.
“Ang ating mga opisyal ay magtatrabaho nang 24/7 upang tugunan ang pagdagsa ng mga pasahero ngayong Undas break,” ani Viado. “Pinapayuhan namin ang mga biyahero na dumating sa paliparan nang hindi bababa sa tatlong oras bago ang kanilang flight upang maiwasan ang pagkaantala.”
Pinaalalahanan din ni Viado ang publiko na asahan ang ilang pila sa mga immigration counter dahil sa dami ng pasahero, ngunit tiniyak niyang mananatiling maayos at kontrolado ang proseso.
Dagdag pa niya, bagamat may mga isinasagawang pagpapabuti sa ilang terminal ng paliparan na maaaring bahagyang makaapekto sa galaw ng mga tao, magpapatuloy pa rin ang normal na operasyon.
“Nakikipag-ugnayan ang Bureau sa mga awtoridad ng paliparan upang matiyak na sa kabila ng mga konstruksyon at pag-upgrade ng pasilidad, hindi maaantala ang serbisyo,” ani Viado. “Hinihiling namin ang pang-unawa ng publiko dahil ang mga pagbabagong ito ay para sa ikabubuti ng kabuuang karanasan sa paliparan.”
Hinimok din ng BI ang mga biyahero na bisitahin ang Facebook.com/officialbureauofimmigration, kung saan regular na ina-update ang mga larawan at impormasyon ukol sa operasyon sa paliparan upang makatulong sa pagtantya ng dami ng tao bago tumungo sa airport.
Muling iginiit ng Bureau ang kanilang dedikasyon sa pagbibigay ng episyente at ligtas na serbisyo sa immigration sa buong panahon ng holiday, upang matiyak na parehong mga Pilipino at dayuhang biyahero ay makaranas ng maayos at ligtas na paglalakbay.

