Calendar
Source: Silang DRRMO
Karambola sa Silang; 2 patay, 3 sugatan




DALAWA ang patay habang tatlo ang malubhang nasugatan matapos na araruhin ng 10-wheeler ang walong sasakyan nitong Miyerkules ng umaga sa Tagaytay- Santa Rosa road sa White Wood, Silang, Cavite.
Naganap ang aksidente dakong 7:00 ng umaga kung saan kabilang sa mga naararong sasakyan ang tatlong SUV, isang kotse, at apat na motorsiklo.
Sa inisyal na ulat, nawalan ng preno ang truck kaya’t inararo nito ang mga sasakyan sa kanyang unahan.
Mabilis namang rumesponde ang mga tauhan Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Silang at iba pang rescue team dala ang iba’t ibang kagamitan para maiahon ang mga naipit.
Dalawa ang idineklarang dead on the spot dahil sa tindi ng mga tinamong sugat sa katawan, habang ang tatlong sugatan ay mabilis na itinakbo sa ospital para malapatan ng lunas.
Nagdulot din ng matinding buhol-buhol na trapiko ang aksidente at ilang oras naantala ang mga motorista bago tuluyang nalinis ang kalsada mula sa mga nagkadurog-durog na sasakyan.
Pinaghahanap naman ang tumakas na driver ng truck .
Ayon sa ulat, iniwan ng driver ang truck sa Brgy. Sto. Domingo sa Santa Rosa City, Laguna, na tinatayang mahigit isang kilometro ang layo mula sa pinangyarihan ng aksidente.
Patuloy ang imbestigasyon sa aksidente.

